Home NATIONWIDE PBBM hinimok na humawak sa operasyon ng NFA

PBBM hinimok na humawak sa operasyon ng NFA

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng isang mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-take over ang operasyon ng National Food Authority (NFA) sa gitna ng alegasyon ng maanomalyang pagbebenta ng rice buffer stocks ng ahensya.

Nauna rito,  sinabi ng Department of Agriculture (DA) na 79 na bodega na pinangangasiwaan ng NFA ang nananatiling naka-padlock bunsod na rin ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa di umano’y irregular na pagbebenta ng bigas sa mga piling mangangalakal.

Tinukoy ni Rep. Wilbert T. Lee ng AGRI party-list ang pangangailangan para sa Pangulo na i-take over ang operasyon ng NFA para mapabilis ang paglilinis sa mga tiwaling opisyal ng ahensiya.

Aniya pa, ang mga walang prinsipyong mga negosyante na kasabwat ng mga kurakot na opisyal ng NFA ay dapat din na usigin at ipasakdal.

Binigyang diin ni Lee ang kahalagahan ng mabilis na resolusyon sa bagay na ito para maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at kapakanan ng mga empleyado ng NFA na sinuspinde subalit malinaw na inosente sa kahit na anumang maling gawa.

Dahil dito, naghain si Lee ng House Resolution 1625 na naglalayo tukuyin ang anumang gaps o loopholes sa umiiral na polisiya ng NFA at idetermina kung anong batas ang kailangan para tiyakin ang “optimal utilization of goods at  proper disposal methods” ng ahensiya.

Samantala, sinabi ng DA  na may 20 warehouses ang nakatakdang buksan kasunod ng naging hakbang na bawiin ang suspension order ng Ombudsman para sa mahigit na 20 NFA personnel.

Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa na ang mga nakakandado na bodega ay matatagpuan sa Cagayan Valley, Western Visayas, at National Capital Region (NCR).

Sinabi naman ni Ombudsman Samuel Martires na ang suspension order laban sa 23 NFA listahan na ibinigay ng DA na dapat ay kukunin mula sa NFA.

Nauna nang ipinag-utos ng Ombudsman ang 90-day preventive suspension laban sa 139 mga opisyal at empleyado ng NFA kabilang na si administrator Roderico Bioco at assistant administrator for operations John Robert Hermano dahil sa nabanggit na kontrobersiya.

Ang suspensiyon ay naging epektibo noong Marso 4. Kris Jose

Previous articlePH host ng men’s volleyball world championship sa 2025
Next articlePBBM, First Lady may trangkaso pa rin