Home NATIONWIDE PBBM itinuturing pa ring kaibigan ni VP Sara

PBBM itinuturing pa ring kaibigan ni VP Sara

MANILA, Philippines- Inihayag ni Vice President Sara Duterte nitong weekend na nananatiling kaibigan ang turing niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasunod ng pagbibitiw niya bilang bahagi ng Gabinete ng administrasyon.

“We are still friendly with each other on a personal level,” pahayag ni Duterte sa isang panayam sa sidelines ng Du-aw Festival basketball game sa Davao City.

“Pumunta ako sa opisina ni Pangulong Marcos at sinabi ko sa kanya dala ko ‘yung resignation letter ko, and maayos naman ‘yung kaniyang pagtanggap and maayos din ‘yung pagtapos ng aming pag-uusap,” dagdag niya.

Sinabi ni Duterte — nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) — na kinonsidera niya sa kanyang pagbaba sa pwesto ang makabubuti para sa departamento.

“Hindi ko na kinonsider ‘yung reactions ng mga tao. Kinonsider ko lang kung ano ‘yung mas makakabuti para sa Department of Education,” aniya, at sinabing hindi niya kinonsulta ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kanyang desisyon.

Inanunsyo ni VP Sara ang kanyang pagbibitiw sa Gabinete noong Miyerkules, na epektibo sa Hulyo 19, 2024.

Tinanggap naman ni Marcos ang kanyang resignation. Matatandaang ang dalawa ang tandem sa ilalim ng UnitTeam Alliance sa 2022 national polls.

“‘Yung pagpunta ko sa mga schools, pakikipag-usap ko sa mga estudyante at pakikipag-usap ko sa mga guro, minahal ko talaga ‘yung trabaho ko kaya nalulungkot ako,” pahayag ni Duterte 

“Nakatutok na tayo ngayon sa Office of the Vice President. Meron kaming sampung projects sa Office of the Vice President,” patuloy niya. RNT/SA