MANILA, Philippines – Nagkasundo si President Ferdinand R. Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Takaichi Sanae na magtrabaho nang malapit para sa “early de-escalation” sa Strait of Hormuz, dahil sa Iranian blockade na nagdudulot ng krisis sa enerhiya sa rehiyon.
Ayon sa Japan Ministry of Foreign Affairs, binigyang-diin ng dalawang lider ang koordination at kooperasyon sa international community para matiyak ang ligtas na paglalayag sa Strait of Hormuz.
Sa isang panayam sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na si Marcos ay “very candid” sa pagtalakay sa kalagayan ng humigit-kumulang 2.5 milyong Pilipino sa Middle East, at binigyang-diin na kaligtasan nila ang pangunahing prayoridad ng gobyerno.
Bukod sa Middle East, tinalakay din nila ang posibilidad ng pagpapalawak ng trilateral cooperation sa Japan-Philippines-United States.
Noong Martes, nagdeklara si Marcos ng state of national emergency sa pamamagitan ng Executive Order 110 upang tugunan ang posibleng paghinto ng suplay ng gasolina at mapanatili ang katatagan ng sektor ng enerhiya. Ayon sa EO, ang tumitinding tensyon sa Middle East ay nagbabanta sa global oil production at transport, na maaaring makaapekto sa Pilipinas bilang net importer ng petroleum products. RNT/MND