Home NATIONWIDE PBBM nagbabala vs fake news sa gitna ng campaign season

PBBM nagbabala vs fake news sa gitna ng campaign season

MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo sa publiko na maging alerto sa fake news, disinformation at misinformation na ginagamit ng electoral candidates sa paggulong ng campaign season bago ang national at local elections sa Mayo.

“Kakambal ng kampanya ay mga intriga at batuhang putik na tinatawag na fake news. Kaliwa’t kanan na rin ‘yan, kaya dapat maingat tayong mga mamamayan,” pahayag ng Pangulo sa isang vlog na ipinost nitong Linggo ng gabi.

“Sabi nga natin, ang bagong Pilipino ay marunong kumilatis sa tama at maling impormasyon kaya ngayon, laganap na naman ang fake news at disinformation. Dapat extra ingat po tayo sa mga nababasa natin online, pero hindi naman ‘yan mahirap,” dagdag niya.

Nakiisa si Marcos sa ilang campaign rallies ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas, na ineendorso niya. Sa kanyang taumpati noong Biyernes, nanawagan siya na mamili ng mga kandidatong patuloy na magtatrabaho at maninilbihan sa bansa.

“Ang katotohanan, may kampanya man o hindi, ang fake news ay laging nandiyaan. Kampanya man o hindi, walang pipigil sa pagseserbisyo ng ating pamahalaan. Lalo pang patitibayin ang nasimulan, lalo pang paiigtingin ang pagpapaganda ng ating bayan,” pahayag ni Marcos. RNT/SA