Home METRO Menor-de-edad, kasabwat tiklo sa dinekwat na P50K sa simbahan

Menor-de-edad, kasabwat tiklo sa dinekwat na P50K sa simbahan

MANILA, Philippines- Isang menor-de-edad at kanyang kasabwat na tumangay ng P50,000 sa isang katolikong simbahan ang nahuli sa isinagawang follow-up operation ng Muntinlupa City police Linggo ng umaga, Pebrero 2.

Ayon sa Muntinlupa police, pinasok ng mga suspek, na mga nasa edad 14 at 18, ang opisina ng St. Peregrine Laziosi Parish bandang alas-9 noong Lunes ng gabi na matatagpuan sa National Road, Barangay Tunasan, sa pamamagitan ng pagsira ng padlock ng pintuan gayundin ang padlock ng donation box kung saan natangay nito ang P50,000 na laman nito pati na rin ang dalawang cellular phones.

Ang pagnanakaw ay nadiskubre lamang ng church cashier bandang alas-4:30 ng umaga ng Marso 2 kung saan inabiso nito sa gwardiya sa insidente na siya namang tumawag sa istasyon ng pulis para i-report ang nangyaring nakawan.

Sa pagreview ng CCTV footage ay nakitang dalawang kabataan ang gumawa ng krimen kung saan nakasuot ang isa sa kanila ng kulay itim na long sleeves at facemask habang ang kasabwat ay nakasuot din ng itim na long sleeves na mayroong hood.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang Muntinlupa police na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspek sa Soldiers’ Hills Village, Barangay Putatan kung saan narekober din sa mga ito ang kanilang tinangay na P50,000.

Inilipat sa kustodiya ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor-de-edad na suspek habang nakapiit naman sa custodial facility ng Muntinlupa City police ang 18-taong-gulang na suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa sa City Prosecutor’s Office laban sa mga ito. James I. Catapusan