Home NATIONWIDE PBBM namimili na ng sunod na PNP chief – Castro

PBBM namimili na ng sunod na PNP chief – Castro

MANILA, Philippines- Inaasahang iaanunsyo agad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalili ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, na nakatakdang mapaso ang extension bilang hepe ng kapulisan ng bansa sa Hunyo 7.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na namimili na si Marcos ng susunod na PNP chief.

Kabilang sa mga kinokonsidera para sa pwesto sina PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., PNP chief directorial staff Lt. Gen. Edgar Allan Okubo, National Capital Region Police Office Director Brig. Gen. Anthony Aberin, at Criminal Investigation and Detection Group Director Maj. Gen. Nicolas Torre III.

“Ang mga nabanggit po ninyong pangalan ay pulos po lahat iyan ay may integridad at magagaling,” pahayag ni Castro.

“Sa ngayon po ay wala pa pong ipinapaabot sa atin. Hintayin na lang po natin ang announcement ng Pangulo patungkol diyan,” dagdag niya.

Pinalawig ni Marcos ang termino ni Marbil ng apat pang buwan epektibo mula Feb. 7, 2025, ang kanyang retirement day, upang matiyak ang katatagan para sa 2025 midterm elections. RNT/SA