Home NATIONWIDE PBBM negatibo sa 2021 cocaine test – drug analyst

PBBM negatibo sa 2021 cocaine test – drug analyst

MANILA, Philippines – Tumestigo ang mga drug examiner ng St. Luke’s Medical Center – Global City kaugnay sa cocaine test na kinuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 2021.

Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni drug analyst Geresza Reyes, pumirma ng drug test report ni Marcos noong 2021, na negatibo sa cocaine si Marcos.

“As to the analysis, may lumabas po na line. Sa drug test kit natin, meron do’n ‘yung control line at saka ‘yung line for the drug analyte. Doon sa resulta, may lalabas po talaga siya na line as negative,” ani Reyes.

Ipinaliwanag naman ni St. Luke’s Medical Center – Global City drug testing laboratory head Dr. Cecilia Lim, isa pang signatory sa drug test report, kung paanong nakuha kaagad ang resulta 2 minuto at 54 segundo matapos isagawa ang cocaine test.

“‘Yung 2 minutes and 54 seconds, kaya po talaga ng drug testing kit. Mabilis pong lumabas ‘yung resulta. ‘Yung sinasabi nila na 5 minutes, ‘yun ang maximum time na ina-allow namin na lumabas ‘yung line ng drug test. Kapag lumabas ang linya, hindi na mawawala ‘yun, negative na kayo,” ayon sa doktor.

Maaari ngang makuha ang resulta sa loob lamang ng 40 hanggang 50 segundo.

Noong Nobyembre 2021 sa mga panahong presidential aspirant pa lamang si Marcos, ay sinabing kumuha siya ng cocaine test at ipinasa ang negatibong resulta sa mga awtoridad.

Ito ay matapos na sabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa mga presidential aspirant ang gumagamit ng cocaine. Wala namang pinangalanan si Duterte.

Sa kabila nito, ipinunto ni Lim na cocaine test lamang ang ni-request ni Marcos.

“‘Yun po ‘yung hiningi niya…nu’ng pasyente…si Marcos po,” aniya.

Dito na nagtanong si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung bakit partikular lamang na sinuri ng ospital si Marcos para sa cocaine, at hindi sa ibang mga illegal na droga katulad ng marijuana o shabu.

“Lahat ng tao dito sa Pilipinas, magpa-drug test, hindi naman nagtatanong na i-test niyo ko sa cocaine, i-test niyo ko sa shabu, i-test niyo ko sa marijuana. Wala. Pupunta ako sa inyo, magpa-drug test para ‘pag negative, dadalhin ko ‘yung dokumento, mag-a-apply ako ng trabaho,” saad ng mambabatas.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa umano’y leak ng confidential documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) intelligence na nag-uugnay sa ilang mga personalidad sa illegal na droga. RNT/JGC