Home NATIONWIDE PBBM: PH nakikipag-ugnayan sa Indonesian government para sa pagpapauwi ng 2 naarestong...

PBBM: PH nakikipag-ugnayan sa Indonesian government para sa pagpapauwi ng 2 naarestong kasamahan ni Alice Guo

MANILA, Philippines- Nakikipag-ugnayan na ang gobyerno ng Pilipinas sa Indonesian government at mga ahensya ng pamahalaan para sa pagpapabalik kina Cassandra Li Ong at Sheila Guo, ang dalawang kasama umano ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa bansa na nahuli ng mga awtoridad sa Indonesia.

“Yes, well you know what I know. That they were intercepted… in Indonesia, and we are now, of course in coordination with the Indonesian government and the agencies. Arranging for them to be brought back. Siguro within a day or two.,” ang sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview matapos ang Meet and Greet ng Chief Executive sa mga Filipino Paris Olympians 2024 sa President’s Hall, sa Palasyo ng Malakanyang.

Nauna rito, kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Agosto 22, na totoo ang ulat na nahuli na ng mga awtoridad sa Indonesia ang dalawang kasama umano ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sinabi ni Remulla na nasa ilalim na ng kustodiya ng Indonesia sina Sheila Guo and Cassandra Li Ong.

“Yes, that is true. It proves the connection between Bamban and Porac operations,” ani Remulla.

Dagdag pa ng ulat, sinabi rin ni Remulla na pababalikin sa Pilipinas dahil tila may daya umano ang naging pagkuha nila ng kanilang mga pasaporte.

Si Cassandra Lee Ong ay may kaugnayan umano kay Guo at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99.

Samantala, si Sheila Guo naman umano ay kapatid mismo ng pinatalsik na alkalde ng Bamban. Kasama siya sa pangalang sangkot sa inihaing arrest order ng Senado kamakailan.

Matatandaang nitong Huwebes ng umaga ay isiwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na nabalitaan niya sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 21, ang pagkahuli sa dalawang kasama ni Guo.

Matatandaang noong Lunes, Agosto 19, isiwalat ni Senador Risa Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia. Kris Jose