Home NATIONWIDE PCG aminado, mga nawawalang sabungero sa Taal Lake ‘di madaling hanapin

PCG aminado, mga nawawalang sabungero sa Taal Lake ‘di madaling hanapin

MANILA, Philippines – Aminado ang Philippine Coast Guard (PCG) na hindi madaling hanapin ang mga nawawalang sabungero na itinapon umano sa Taal Lake.

Ayon kay PCG Spokesperson Capt Noemie Cayabyab, maraming hamon na haharapin ang technical divers nila para maisagawa ang paghahanap.

Partikular dito ang lalim ng Taal Lake na 170 meters kumpara sa 100 metro na pinakamalalim na nasisid ng mga diver ng Coast Guard.

Gayundin ang lagay ng panahon, kalidad o linaw o labo ng tubig na makakaapekto sa alon at ang aktibidad ng bulkan.

Bukod pa rito, sa tagal na ng panahon na nasa tubig ang mga sabungero na maaring wala na sa eksaktong lugar kung saan sila itinapon.

Sakaling gagawin ang paghahanap, sinabi ni Cayabyab na makikipag-ugnayan sila sa Philippine Navy para makatulong sa pagsisid.

Sa ngayon, ayon kay Cayabyab ay wala pang opisyal na request ang Department of Justice (DOJ) para magsagawa nang pag-dive sa Lawa ng Taal.

Sa impormasyon ng PCG, mayroon silang 60 technical divers na maaaring makapagsagawa ng malalimang pagsisid sa nasabing katubigan. Jocelyn Tabangcura-Domenden