Home NATIONWIDE PCG: Boat-ramming sa Pangasinan, ‘aksidente’

PCG: Boat-ramming sa Pangasinan, ‘aksidente’

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes na isang “aksidente” ang banggaan na kinasasangkutan ng isang dayuhang barko at bangkang pangisda ng Filipino na ikinasawi ng tatlong mangingisdang Pilipino sa Pangasinan. 

Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na base ito sa inisyal na impormasyon na mayroon sila.

“We can say na hindi naman ito talaga deliberate. At the same time, the testimony ng ating mga naka-survive na mangingisda, sila rin mismo nagsasabi na in this particular time na nangyari ito masyadong madilim ang area, pangit ang panahon so there is a possibility na hindi sila napansin,” sabi ni Tarriela.

Sinabi ni Tarriela na sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) , igigiit pa rin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pananagutan sa may-ari ng dayuhang sasakyang-dagat.

“Kung mapapatunayan natin talaga na iyong coordinates na dinaan nila ay iyun nga, of course through the DFA, we will reach out to the flag of registry for the state administration, kung saan siya naka-register, to help us in asserting iyung liability claims sa mga may-ari ng barkong ito,” ani Tarriela.

Nilinaw din ni Tarriela na ang lokasyon ng insidente ay humigit-kumulang 180 nautical miles mula sa Agno, Pangasinan, at hindi Scarborough Shoal sa WPS gaya ng naunang naiulat.

Nauna nang sinabi ni PCG commandant Admiral Artemio na walang kaugnayan ang insidente sa tensyon sa WPS.

Sinabi ng PCG nitong Miyerkules na ang Filipino fishing boat ay nakadaong sa layong 85 nautical miles hilagang-kanluran ng Scarborough Shoal, na lokal na kilala bilang Bajo de Masinloc, nang bumangga ito sa isang oil tanker na nakarehistro sa ilalim ng bandila ng Marshall Islands. Jocelyn Tabangcura-Domenden