MANILA, Philippines- Itatayo ang bagong establisimiyento na magsisilbing permanent training institute para sa drug law enforcement and education sa Tanay, Rizal, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ng anti-narcotics agency na nagsagawa ito ng ground-breaking ceremony nitong Martes sa 11-ektaryang lupain sa Sitio Tablon, Barangay Cuyambay.
“The site will be the permanent location of PDEA Academy, envisioned to be a center of excellence in drug law enforcement with state-of-the-art facilities devoted to education, research, and training,” pahayag nito.
Base sa PDEA, kasalukuyang sakop ng akademya nito ang 5,600 square meters ng lupain sa loob ng Camp General Mariano Castañeda, matataguan sa Barangay Tartaria, Silang, Cavite, mula 2006.
Inilahad ng PDEA na isasagawa sa bagong establisimiyento ang iba’t ibang aktibidad para sa mga tauhan nito tulad ng physical conditioning and fitness exercises, military-related undertakings, combat shooting and marksmanship, at iba pang field exercises.
Batay sa tala, sinabi ng PDEA na nakuha nito ang lupa para sa bagong institute noong March 2021 sa pamamagitan ng Usufructuary Agreement sa local government ng Tanay, Rizal.
Ayon sa PDEA, tinatayang P1.56 bilyon ang magagastos sa proyekto sa loob ng five-year implementation phase mula 2022 hanggang 2027.
Kaugnay nito, sinabi ng ahensya na P50 milyon ang inilaan para sa Phase 1 ng proyekto sa pamamagitan ng congressional initiative noong 2022.
Idinagdag nitong nakatakdang makatanggap ang PDEA ng karagdagang P500 milyon pondo para sa “site’s construction of road networks; water and drainage system; electrical power supply; and design and construction plans of priority buildings and facilities,” kasunod ng congressional insertions sa 2024 budget. RNT/SA