Home TOP STORIES Permit ng ceramic business sa Batangas, pinasususpinde ng mga residente sa ingay...

Permit ng ceramic business sa Batangas, pinasususpinde ng mga residente sa ingay at amoy

148
0

San Pascual, Batangas — Nanawagan ang mga residente ng Brgy. San Teodoro laban sa Time Ceramic, na matatagpuan sa Brgy. Gelerang Kawayan, dahil sa umano’y matinding ingay, makapal na usok, at mabahong amoy na nagmumula sa kanilang generator sets.

Ayon sa mga reklamo na ipinost sa social media at ipinadala sa barangay, ang sinasabing tuloy-tuloy na operasyon ng mga generator ay nagdudulot ng matinding ingay, lalo na sa gabi, na nakaaapekto sa pahinga at kalusugan ng mga residente.

Iniulat din ang pagkalat ng maitim na usok at masangsang na amoy na nagdudulot umano ng hirap sa paghinga, pagkahilo, ubo, at pagsusuka, lalo na sa mga bata at matatanda. Ilan sa mga residente ang nagpakita ng medical records na nagpapatunay ng respiratory infection, habang may isang pamilya na gumastos ng halos ₱27,000 sa pagpapagamot ng kanilang anak.

Dahil dito, hiniling ng mga residente ang agarang inspeksyon at imbestigasyon, at nanawagan na huwag munang i-renew o suspendihin ang business permit ng Time Ceramic hanggang sa makasunod ito sa lahat ng environmental laws at regulasyon.

Ayon sa kanila, hindi layunin ng reklamo na hadlangan ang negosyo, kundi tiyakin na hindi nalalagay sa panganib ang kalusugan ng komunidad at ang kapaligiran. Hiling lamang nila na ayusin ng kumpanya ang kanilang operasyon upang maiwasan ang pinsala sa mga karatig-lugar.

Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag ang Time Ceramic kaugnay sa isyu. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here