Home NATIONWIDE Personal background ni Bamban Mayor Guo bubusisiin ng DILG

Personal background ni Bamban Mayor Guo bubusisiin ng DILG

MANILA, Philippines- Ikakasa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mas malalim na imbestigasyon sa kaso ni Bamban Mayor Alice Guo.

Ito’y matapos na magpahayag ng pagdududa ang ilang senador sa pagdinig sa Senado ukol sa background ng alkalde.

Sinabi ni Juan Victor Llamas, DILG Undersecretary for external, legal and legislative affairs, na ang rekomendasyon nila na preventive suspension para kay Guo ay base sa kanilang imbestigasyon sa pagkakaugnay nito sa illegal POGO operations sa kanyang bayan.

Nagsumite ang DILG ng rekomendasyon sa Office of the Ombudsman noong nakaraang linggo.

Subalit, sinabi ni Llamas na ito’y ‘continuing investigation’ lalo na matapos na mabigo si Bamban Mayor na sagutin sa Senado ang tanong hinggil sa kanyang basic personal details kabilang na ang lugar ng kanyang kapanganakan at kung saan siya nagtapos ng high school. 

“Lately lang lumalabas ang issue tungkol sa citizenship niya,” ayon kay LLamas.

“Dahil diyan inutos din ni Sec. [Benhur] Abalos doon sa task force to continue further investigation on the citizenship of Mayor Guo. Dahil d’yan, nakikipag-coordinate na rin kami sa iba’t ibang ahensya para makalakap ng mga impormasyon o dokumento,” dagdag na wika nito sabay sabing, “Ito ay minamadali na rin ng aming secretary… we are doing our best na matapos kaagad sa lalong madaling panahon.” 

Sinabi ni Llamas na nagawa nilang makakolekta ng sapat na impormasyon kaugnay sa papel ni Guo sa illegal POGO operations na nagpalakas ng kanilang rekomendasyon para sa kanyang suspensyon.

“Sersyoso at matibay ang nakikita naming ebidensya na nalalakap namin… ‘Pag siya ay nababaan ng preventive suspension automatic ‘yan we will implement ‘yung preventive suspension para temporarily na mawala siya sa pwesto at yung vice mayor nila ang magiging active doon,” giit ng opisyal. Kris Jose