UNITED STATES – Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa New York na wala silang natanggap na anumang ulat ng nasaktang Pinoy sa malawakang wildfire sa Ocean County, New Jersey, sa Estados Unidos.
Ayon sa mga awtoridad, ang wildfire ay nagsimula nitong Martes, Abril 22, sa Greenwood Forest Wildfire Management Area.
Mabilis na kumalat ang sunog sa libo-libong acre ng kagubatan, dahilan para ilikas ang mga kalapit na residente.
Sa pinakahuling ulat, nasa 50% nang kontrolado ang sunog bagamat patuloy pa rin ang banta sa mga ari-arian at kagubatan.
Dagdag pa, iniulat ni Consul General Senen Mangalile na mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon mula nang magsimula ang wildfire at nagpasa na sila ng opisyal na ulat sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila.
“No information that any Filipino was injured,” ayon kay Mangelile.
Hinimok ng Philippine Consulate ang mga miyembro ng Filipino community sa mga apektadong lugar na manatiling alerto at sumunod sa utos ng mga awtoridad. RNT/JGC