MANILA, Philippines- Hindi kailanman ninais ng Pilipinas na maging probinsya ng kahit na anong bansa.
Tugon ito ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang sa naging katanungan ni Senador Imee Marcos kung kailan pa naging probinsya ng “The Hague” sa Netherlands, kung saan matatagpuan ang International Criminal Court (ICC), ang Pilipinas matapos arestuhin at dalhin doon si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”
Giit ni Castro, ang Pilipinas ay isang independent country.
“Hindi po natin ninais na maging probinsiya ng kahit anuman dahil po tayo ay isang independent country. Hindi po nais ninais na maging probinsiya din po ng Fujian, China. Never nating inisip iyan na maging probinsiya tayo ng anumang bansa,” aniya pa rin.
Sinabi pa nito na nagpapatupad lamang aniya ang gobyerno ng batas.
“At kung iyon po ang sinasabi po ni Senator Imee siguro iyon lamang po ang paniniwala natin dahil kahit po sa panahon ngayon ni Pangulong Marcos ay hindi natin sinusuko ang anumang karapatan natin sa West Philippine Sea. Siguro doon lamang po makikita natin na hindi po natin ibibigay ang anumang karapatan natin kahit kaninuman,” pahayag ni Castro.
Sa ulat, sa naging manifestation ni Imee Marcos sa Senate hearing ng pag-aresto kay Duterte nitong Huwebes, Marso 20, kinondena ni Imee Marcos ang pagsuko kay Digong Duterte sa ICC.
“Bakit natin isinuko ang isang kapwang Pilipino? Kung ang iyong kapatid ay inuusig, ipapasa mo ba sa kamay ng iba? Kung ang iyong ama o di kaya ang iyong lolo pa, matanda na at may sakit, kinakaladkad palabas ng inyong tahanan, manonood ka ba na parang wala lang?” giit ni Imee Marcos.
“Ganito ang nangyari ngayon, isinuko natin si Rodrigo Roa Duterte sa dayuhan na para bang wala siyang sariling bayan, na para bang hindi na natin kayang humusga sa sarili nating tahanan,” dagdag niya.
Sinabi rin ng senadora, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na dapat umanong ang batas ng Pilipinas ang manaig at hindi raw ang batas ng ICC.
“Sabi nila, batas ang dapat manaig. Tama. But whose law? Ours or theirs? Since when did the Philippines become a province of The Hague?” ani Imee Marcos.
“Kung kaya nila itong gawin sa isang dating pangulo, sino na lang ang susunod?” aniya pa.
Matatandaang noong Marso 11 ay inaresto si Digong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at dinala sa headquarters ng ICC sa The Hague Netherlands upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito. Kris Jose