MANILA, Philippines – Lumago ng 1.2% ang agriculture sector ng bansa noong 2023 batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“We are pleased that agriculture has contributed positively to growth of the economy last year. But certainly, we could do more,” saad sa pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. nitong Huwebes, Pebrero 1.
Ani Tiu-Laurel, ang paglago ay dahil sa mataas na poultry at livestock production, mataas na ani ng mga prutas at rice output noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng PSA na ang agriculture sector ay lumago ng 0.5% noong 2022.
Hanggang noong Nobyembre 2023, nakapagbigay ng trabaho sa 25% ng 49.7 milyong Filipino sa labor force ang agriculture sector.
Nag-ambag ito ng 9% sa gross domestic product noong nakaraang taon.
Kamakailan, naitala rin ng Department of Agriculture (DA) ang pinakamataas na rice harvest sa 20.06 milyong metriko tonelada noong 2023.
Ani Tiu-Laurel, nakatulong ito upang mabawasan ang rice imports sa 3.5 million metric tons mula sa 3.8 million metric tons noong 2022. Mapatataas nito ang kita ng mga magsasaka.
Samantala, nakapagbigay ng financial at iba pang uri ng tulong sa mga magsasaka ang Rice Competitiveness Enhancement Fund ng Rice Tariffication Law na isa rin sa itinuturong dahilan kung bakit tumaas ang rice output.
“Certainly, agriculture is a low-hanging fruit for the economy where we could do more by providing the right inputs, mechanizing farm activities, adopting new technologies to raise yields and lower costs, effectively putting more money in the pockets of farmers and fisherfolk,” ayon sa opisyal.
Sa badyet ngayong taon, nakatanggap ang DA ng P167.5 bilyon, mas mataas ng 5% noong 2023. RNT/JGC