Home NATIONWIDE PH gov’t nagbabala sa retailers: Tumalima sa P58 imported rice price cap...

PH gov’t nagbabala sa retailers: Tumalima sa P58 imported rice price cap o maparusahan

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang retailers na sumunod sa maximum suggested retail price (MSRP) na P58 para sa imported rice, na naging epektibo, araw ng Lunes, Enero 20.

Kamakailan ay magkasama ang mga opisyal ng DA at Department of Trade and Industry (DTI) na nag-inspeksyon ng mga stall na nagbebenta ng bigas sa Trabajo Market sa Maynila upang masiguro ang kanilang mahigpit na pagsunod sa MSRP.

Natuklasan kasi ng mga opisyal ng pamahalaan na habang karamihan sa vendors ay sumusunod sa bagong direktiba, may ilan namang retailers ang nagbebenta ng bigas ng mas mataas sa P58 per kilo.

“May mga namo-monitor pa tayo rito na P60 to P65 na rice per kilo pero brands kasi siya at local, hindi dapat mag-a-apply sa local ang MSRP. Relatively, bumababa na rin naman ang prices at sumasabay naman sila sa directives natin,” ang sinabi ni DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra.

Ang katwiran ayon kay Velicaria-Guevarra, inuubos lamang ng retailers ang kanilang imbentaryo ng bigas na nabili sa mataas na halaga. Pagkatapos nito ay susunod na sila sa MSRP.

Hindi naman nagpataw ng anumang parusa ang DA sa initial monitoring nito.

Gayunman, ang babala ng departamento ay mas magiging mahigpit ang mga ipatutupad na alituntunin sa oras na ang mga opisyal na regulasyon ay ipalabas na sa Pebrero.

Ang MSRP para sa imported rice ay ipinatupad upang tiyakin na ang bigas ay mananatiling abot-kaya para sa consumers habang sinusuportahan ang kakayahang kumita ng industriya ng bigas.

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na ang karagdagang mga pagsasaayos sa MSRP ay dapat na asahan sa mga darating na linggo.

Nagbabala naman si Laurel na kung mabibigo ang MSRP na ibaba ang presyo ng bigas sa “reasonable levels,” irerekomenda ng DA ang price controls at ceilings.

Ang mga lalabag sa naturang hakbang ay pagmumultahin ng hanggang P1 milyon para sa mapatutunayang nagkasala.

Samantala, hinikayat naman ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa ang mga retailers na i-negotiate ang mga presyo sa kanilang suppliers para makahanay sa P58 MSRP.

“Dapat mapag-usapan nila immediately ang stocks dahil sa susunod, hindi na puwedeng makakita kami ng ganito kataas na presyo, lalo na ‘yong P60 to P65 per kilo,” ayon kay De Mesa.

“We’ll give them enough time to negotiate with their suppliers but eventually, in two weeks’ time, we will have another round of monitoring,” dagdag na pahayag nito.

Labis namang pinahalagahan ni Velicaria-Guevarra ang pagkilos ng local government units (LGUs) para masiguro na sumusunod sa bagong direktiba ang mga vendors.

Sinabi nito na ang mga alkalde sa Metro Manila ay aktibong mino-monitor ang mga presyo sa kanilang public at private markets.

“Yon naman ang kanilang commitment at talagang nagpapasalamat kami at tuloy-tuloy ang kanilang suporta,” ang sinabi ni Velicaria-Guevarra. Kris Jose