Home METRO Mayamang Chinese national dinukot

Mayamang Chinese national dinukot

MANILA, Philippines- Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng Cavite Police kaugnay sa pagdukot sa isang Chinese national  sa loob ng kanyang bahay sa  Brgy. Navarro, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa nakalap na impormasyon, isang 33-anyos na Chinese national ang dinukot sa kanyang tahanan sa MSB Brgy Navarro ng nasabing lungsod.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan sa siyam na kalalakihan na sumakay sa dalawang getaway vehicles, isang kulay pulang Mitsubishi Adventure na may plakang NCY 4936 at kulay silver na Mitsubishi Garage na may plakang NAF 51112. 

Ayon sa report,  bandang alas-3:42 kamakalawa ng madaling araw nang pwersahang pumasok sa bahay ang mga suspek habang nasa loob ang biktima, kanyang katulong at driver.

Napag-alaman na kaagad na tinungo ng mga suspek ang kwarto ng biktima at pilit na inilabas ang biktima at isinakay sa getaway vehicles.

Tinangay rin umano ng mga suspek ang ibang kagamitan ng biktima at kanyang cellphone at nang umalis ay dinala rin ang kanyang kotse na isang Mercedes Wagon na may plakang 3998 NFT. 

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa Closed Circuit Television (CCTV) para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at nakikipag-ugnayan na rin sa Cavite Land Transportation Office (LTO) para sa pagkakakilanlan ng may-ari ng dalawang sasakyan na gamit ng mga suspek. Margie Bautista