
IPINAAALAM ng Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations (GCG) na isasailalim ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa isang komprehensibong reorganisasyon upang mas lalong mapahusay ang ahensya para matugunan ang mga kinahaharap nitong operational na mga suliranin.
Sinabi ng GCG na bahagi ng reporma ang bagong organizational structure na binubuo ng 503 yunit at may kabuuang 7,149 na posisyon. Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng ahensya sa pagbibigay ng serbisyo at sa pagtupad sa pinalawak nitong mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11223 o ang “Universal Health Care for All Filipinos.”
Nilalayon ng reporma na resolbahin ang ilang matagal nang isyu gaya ng hindi na akmang workforce, pagkakawatak-watak ng datos, kahinaan sa implementasyon ng mga estratehiya, at mga problema kaugnay ng benepisyo’t claim processing.
Bilang bahagi rin ng reporma, tinukoy ng GCG ang limang pangunahing serbisyo na ikokonsolida sa sentralisadong sistema, ang pinansyal, legal, information technology, procurement, at human resources kasama ang general administration services.
Ang centralization umano ng mga administrative function ay inaasahang mag-aalis ng hindi pagkakatugma at salungat sa kasalukuyang operasyon ng PHILHEALTH, habang pinalalakas ang tugon nito sa pangangailangan ng publiko.
Upang mapanatili ang checks and balances, iniutos din ng GCG na ang Internal Audit Office ng PHILHEALTH ay direktang mag-uulat sa Audit Committee ng Board of Directors (BOD) at administratibong magre-report sa president at chief executive officer.
Magkakaroon din ng Benefit Payment Appeals Office (BPAO) na mangangasiwa sa mga apela kaugnay ng bayad sa benepisyo. Ayon sa GCG, layunin nitong mapabuti ang proseso ng pag-apela at mapalakas ang insentibo para sa mga tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.
Sinabi naman ni Department of Health secretary Teodoro Herbosa na aktibo ang kanilang koordinasyon sa GCG upang matiyak na ang reorganisasyon ng PHILHEALTH ay tugma sa pagpapatupad ng Universal Health Care program.
Aniya, matagal na itong hinihintay ng mga empleyado ng ahensya at ng publiko.
Dagdag pa niya, pinagtuunan ng pansin ng kagawaran at ng buong BOD ang bawat detalye ng programa.
Noong 2024, inaprubahan ng GCG ang partial restructuring ng PHILHEALTH bilang tugon sa aplikasyon nito noong 2022. Upang mas mapag-aralan ang kabuuang reorganisasyon, hiniling ng GCG sa ahensya ang karagdagang dokumentasyon at konsultasyon mula May 2023 hanggang nitong Enero 2025.