
MANILA, Philippines – Pinaigting ni Senator Christopher “Bong” Go ang panawagan sa gobyerno at sa Department of Health (DOH) na pabilisin ang pagtatayo ng mga Super Health Center, lalo sa mga liblib na probinsya sa buong bansa, dahil na rin sa mga nakalulungkot na kuwento ng mga nagkakasakit sa kanayunan.
Ginawa ni Go ang panawagan kasunod ng isang dokumentaryo ng pakikibaka ng mga pamilya sa malalayong lugar para lamang ma-access ang mga serbisyong medikal, tulad ng isang residente sa kabundukan ng Guihulngan City sa Negros Oriental.
Isang 2-anyos na lalaki na nagngangalang Steve na may hypoxic‑ischemic encephalopathy, ay hindi kailanman nagamot nang maayos dahil sa napakalayong tirahan at malaking gastos na kinakailangan upang makarating sa isang doktor o pagamutan.
Si Gng. Retchilda ay nanganak sa bahay dahil ang mga medikal na pasilidad ay masyadong malayo kaya nang dalhin si Steve sa isang doktor, makalipas ang ilang linggo, natuklasan ang malaki nang pinsala sa kanyang kalusugan.
Kinailangang bumiyahe ng nakapapagod na 4 oras patungo sa Dumaguete City ang mag-ina para sa isang konsultasyon na hindi rin halos kayang bayaran ng pamilya.
Simula noon, makalipas ang isang taon, hindi pa bumalik pa si Steve para sa follow-up checkup o sa MRI scan na kailangan niya.
“Magkaisa tayo sa pagpapalapit ng serbisyong medikal sa mga higit na nangangailangan. Ang mga kwentong ito ay isang paalala sa atin kung bakit kailangan ang Super Health Centers sa komunidad, lalo na sa mga liblib at nakaliligtaang pamayanan,” ang sabi ni Go.
Binigyang-diin niya na ang mga Super Health Center ay idinisenyo upang tumugon sa pangunahing pangangalaga, medikal na konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit.
Layon din ng mga SHC sa bawat rural health units at barangay health stations na maging accessible ang medical services sa mga komunidad na napababayaan ng traditional hospital‑based care.
Ang mga libreng konsultasyon ay pangasiwaan ng municipal health offices, local government units, at PhilHealth sa pamamagitan ng Konsulta program nito.
Dahil sa pagsisikap ni Go at ng DOH, nakuha na ang pondo para sa pagtatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa.
Kaya naman umapela si Go sa DOH na bukod sa pagpapabilis ng pagtatayo ng mga SHC na pinondohan na, dapat ding tiyakin na ang mga naturang proyekto ay matatapos sa takdang oras.
Pinatutukoy din niya kung saan mas kailangan ang mga ito, gayundin ang mga LGU na may kakayahang pangasiwaan ang operasyon nito.