
PINANGUNAHAN ni Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) president at chief executive officer Dr. Edwin M. Mercado ang pormal na pagpapasinaya ng PHILHEALTH KONSULTA (Konsultasyong Sulit at Tama) ng Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC) nitong March 25, 2025, ang kauna-unahang level 3 private hospital na napagkalooban ng akreditasyon sa National Capital Region.
Binigyan ng PHILHEALTH ng tatlong taong akreditasyon ang CGHMC mula 2025 hanggang 2027. Sa kasalukuyan mula January 2025 hanggang nitong March 2025 ay nasa 4,628 na ang nakapagpatala, kabilang dito ang 2,300 na mga empleyado ng ospital.
Kasama ng opisyales ng Philippine Chinese Charitable Association, Inc. (PCCAI) na siyang nagmamay-ari ng ospital sa pangunguna nina Antonio Tan, chairman of the board; Dr. Benito Goyokpin, honorary chairman & Executive Committee Chair; Kelly Sia, president and CEO; Dr. Samuel Ang, medical director, Mr. Albert TanLee, Vice Chairman, Dr. George Co, KonSulTa Head at mga board of directors, at department heads, ay nilibot ni PCEO Dr. Mercado ang buong pasilidad ng CGHMC PHILHEALTH KONSULTA.
Sa kanyang mensahe, binati ng pinuno ng PHILHEALTH ang CGHMC sa inisyatiba nito na ipagpatuloy ang pagtulong sa pangangailangan sa kalusugan ng mga mahihirap na komunidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng PHILHEALTH KONSULTA, maliban sa karangalan na maging kauna-unahang pribadong ospital na mabigyan ng akreditasyon sa Metro Manila.
Ibinalita ni PCEO Dr. Mercado na mula sa 1.7 porsyento na inilalaan ng PHILHEALTH para sa preventive program sa mga nakalipas na taon ay aakyat na ito sa 15 porsyento hanggang 20 porsyento sa susunod na 30 buwan para higit na matutukan ang kalusugan ng mga Filipino alinsunod sa layunin ng Universal Health Care Law o ang Republic Act No. 11223.
Kabilang din ang pagbabayad ng PHILHEALTH sa iba pang karamdamang makikita sa isang pasyente at hindi ang dating pataasan ng case rate. Kasabay ito sa paglulunsad ng E-SOA o ang electronic statement of account.
Binigyang-diin din niya na sa susunod na tatlong taon ay mas pagbubutihin ng PHILHEALTH ang mga serbisyo nito kabilang ang mas pinalalawak na PHILHEALTH Gamot na mula sa kasalukuyang 23 ay magiging 51 na libreng makukuha ng miyembro na hindi lalagpas sa Php 9,000 bawat taon.
Masusi ring pinag-aaralan ang pagtataas ng iba pang mga pakete para sa mga itinuturing na “catastrophic cases” o malulubhang karamdaman na malaki rin ang gastusan.