Home NATIONWIDE Philippine Army aalamin kung may reservists na miyembro ng ‘angels of death’...

Philippine Army aalamin kung may reservists na miyembro ng ‘angels of death’ ni Quiboloy

MANILA, Philippines – Makikipag-ugnayan ang Philippine Army sa mga awtoridad upang alamin kung may reservists na bahagi ng umano’y private army ni Pastor Apollo Quiboloy na tinatawag niyang “angels of death.”

Sa press briefing nitong Martes, Setyembre 17, sinabi ni Philippine Army Deputy spokesperson Colonel Rey Balido na hindi pa sila nakatatanggap ng anumang ulat patungkol sa naturang private army.

“We don’t have any reports yet kung may mga involved nga dito na private armies. We will closely coordinate with our law enforcement agencies dahil sila naman ang dapat tumutok nito,” aniya.

Sinabi ni Balido na ang Kingdom of Jesus Christ- owned media network Sonshine Media Network International (SMNI) ay akreditado bilang affiliated reserve unit ng Philippine Army noong 2015 at itinalaga ang unit designation ng 2nd Signal Battalion.

“If we may recall, yung Sonshine Media Network ng Kingdom of Jesus Christ, yung kaniyang media network, was accredited as Philippine Army Reservists affiliated unit last 2015,” ani Balido.

“So they are called the 2nd Signal Battalion ng Philippine Army affiliated reserved unit. So tinap natin sila because of their expertise in communications. Nagagamit natin,” dagdag pa.

Sa kaugnayan naman ng SMNI sa umano’y private army ni Quiboloy, sinabi ni Balido na “We will closely coordinate with our law enforcement counterparts.”

Wala pang tugon si SMNI legal counsel Atty. Mark Tolentino kaugnay nito.

Nitong Lunes, matatandaan na sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na natukoy na ang ilan sa mga posibleng miyembro ng private army ni Quiboloy.

Ani Fajardo, iniimbestigahan ng PNP kung ang mga Army reservists at militiamen na umano’y nagsisilbing bodyguards ni Quiboloy ay bahagi ng “angels of death.”

Pagsisikapan na ng PNP na kanselahin ang lisensya ng mga baril ng mga miyembro ng “angels of death.”

Itinanggi naman ni KOJC lawyer Atty. Israelitio Torreon ang pagkakaroon ng private army na kontrolado ni Quiboloy.

“If this is true, then this private army would have surely been unleashed during the 16 days KOJC siege where the members were subjected to so much violence and tramplings of their constitutional and human rights,” dagdag niya.

“Yet, you never saw even one of them brandish a firearm in order to retaliate against the policemen. Instead, you saw bread and food being given to the policemen by the KOJC members. Pastor Apollo C. Quiboloy has millions of private prayer warriors not a private army,” pagpapatuloy nito.

Ang “angels of death” ay binanggit ng mga umano’y rape victims ni Quiboloy nang lumantad ang mga ito sa pulisya.

Ayon sa PNP, binalaan ang mga biktima na kukunin ang mga ito ng “angels of death” ni Quiboloy sa oras na ilantad nila ang mga sekswal na aktibidad ng lider. RNT/JGC