Home NATIONWIDE Philippine Atomic Energy Regulatory Authority, lilikhain ng Senado

Philippine Atomic Energy Regulatory Authority, lilikhain ng Senado

MANILA, Philippines – Lilikhain sa Senado ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM) na mangangasiwa sa nuclear energy bilang pangunahing isyu ng bansa, tulad ng kalusugan, agrikultura, produksyon ng enerhiya, at pagbabago ng klima.

Sa kanyang sponsorship speech sa Senate Bill No. 2899 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act kamakailan, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na malawak ang benepisyong makukuha ng bansa sa nuclear technology kapag ginamit nang tama.

“Across the globe, nuclear energy has been used for peaceful and beneficial applications contributing to sectors such as medicine, agriculture, industry, and energy production,” aniya.

“Obvious naman po kung bakit kailangan ang Nuclear Energy Safety Act, It plays a vital role in treating diseases, food security, improving crop yield, mitigating the effects of climate change and generating clean, reliable power or electricity,” dagdag ng senador.

Maliban sa benepisyo sa ekonomiya at kalikasan, nag-aalok ang regulasyong ng magadang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.

Layon ng panukalang ito na magtatag ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), isang independent agency na titiyak sa kaligtasan at seguridad ng nuclear energy.

Magiging responsable ang ahensiya sa pagtakda ng polisiya, safety standards, pagsasagawa ng inspeksyon, at pagmamasid sa transportasyon, pagtatago, at pagtatapon ng radioactive materials.

Layunin din ng panukala na paunlarin ang luma at hindi na akmang batas hinggil sa nuclear energy, at itugma sa international convention at pamantayan upang matiyak ang ligtas na paggamit ng nuclear energy.

“Mag-a-align tayo sa mga international conventions natin. Hindi rin po pwede talaga na ang mga nagpo-promote ng nuclear atomic energy ang siya ring magre-regulate. Aayusin nito ang problemang ‘yan,” sabi ni Cayetano.

Binanggit din ng senador na ang mga kasalukuyang batas tungkol sa nuclear energy sa bansa ay hindi na tumutugma sa mga makabagong nuclear technology.

“When we talk about atomic, nuclear energy, radiation, nandiyan ‘yan. We don’t always see it or know that it’s there, but we’re not able to harness or ‘di natin naaani ng mabuti,” aniya.

Nagpasalamat si Cayetano kina Senador Francis Tolentino, Ramon Revilla Jr., Francis Escudero, at Sherwin Gatchalian, pati na rin sa Director ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na si Dr. Carlo Arcilla.

Ipagpapatuloy ang deliberasyon ng Senado sa Senate Bill No. 2899 sa mga susunod na sesyon. Ernie Reyes