Home NATIONWIDE Pimentel nabahala sa P10.12B confidential, intel funds: ‘Malaking pagkakamali’

Pimentel nabahala sa P10.12B confidential, intel funds: ‘Malaking pagkakamali’

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkabahala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel nitong Sabado, Agosto 5 sa panukalang P10.142 billion confidential and intelligence funds (CIF) sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2024.

“This budgetary decision is a huge mistake,” ayon kay Pimentel.

“It shows the lack of empathy and understanding of the real needs of ordinary Filipinos,” dagdag ni Pimentel.

Sinabi ni Pimentel na habang nagdudusa ang ating kababayan sa lugar na sinalanta ng bagyo, lumutang ang katanungan kung naiintindihan ng gobyerno ang tunay na pangangailangan at hamon na kinahaharap ng bansa.

Alinsunod sa Budget of Expenditures and Sources of Financing (BESF) na nakalagay sa DBM website, naglaan ang administrasyon ng P5.277 billion sa intelligence expenses, at P4.864 billion sa confidential expenses.

Mas mataas ng P120 milyon ang P10.142 bilyon na alokasyon mula sa dating P10.02 billion na itinalaga para sa CIF nitong 2023.

Naunang inihayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na tumaas ng P120 milyon ang CIF dahil mayroong additional allocation para sa Department of Information and Communications Technology, Presidential Security Group, at Anti-Money Laundering Council.

Pinakamalaking inilaan ng CIF sa Office of the President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may P4.51 billion, P50 milyon sa Department of Agriculture (DA) na kanyang pinamumunuan.

Pero, ayon kay Pimentel dapat bigyan ng mas malaking atensiyon at alokasyon ang lugar na apektado ng bagyo.

“The funds should be used to aid in their recovery and rebuilding… The struggles our countrymen endure day in and day out must be addressed through meaningful budgetary allocations that directly benefit the lives of our people,” aniya.

Inihayag ng DBM na nagkakaroon ng decreasing trend ang confidential and intelligence fund base sa porsiyento sa mga nakaraang badyet, ayon sa mga sumusunod:

0.215% – 2018
0.192% – 2019
0.235% – 2020
0.212% – 2021
0.183% – 2022
0.190% – 2023
0.176% – 2024. Ernie Reyes