Home NATIONWIDE Pinaghihinalaang may mpox sa Lanao del Sur, negatibo sa virus

Pinaghihinalaang may mpox sa Lanao del Sur, negatibo sa virus

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Nobyembre 25 na ang pasyente sa Lanao del Sur na pinaghihinalaang may mpox ay negatibo sa virus.

Ginawa ni Health Secretary Ted Herbosa ang anunsyo, matapos matanggap ang resulta mula sa polymerase chain reaction (PCR) test.

Ayon sa DOH, maaaring ibang sakit o ibang viral illness o skin diseases ang nakita sa BARMM.

Nauna nang kinumpirma ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Lanao del Sur na isang pasyente na hinihinalang may mpox ang na-admit sa isang ospital sa Marawi City.

Dahil dito, inilagay sa code white alert ang lalawigan at muling isina-aktibo ang mga unit ng surveillance ng sakit nito.

Pinayuhan ang publiko na gumamit ng sabon at tubig upang patayin ang virus, at gumamit ng guwantes kapag naghuhugas ng mga kontaminadong materyales.

Kasama sa mga sintomas ng mpox ang pamamantal sa balat o mga sugat sa mucosal, na maaaring tumagal ng 2-4 na linggo. Ang mga pantal ay sinamahan ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at namamaga na mga lymph node. Jocelyn Tabangcura-Domenden