Home NATIONWIDE Pinakamainit na Enero naitala noong nakaraang buwan

Pinakamainit na Enero naitala noong nakaraang buwan

BRUSSELS- Naranasan ng mundo ang pinakamainit na Enero, ayon sa European Union’s Copernicus Climate Change Service (C3S) nitong Huwebes.

Nalampasan ng nakaraang buwan ang naunang pinakamainit na Enero, na naganap noong 2020, batay sa tala ng C3S mula pa 1950.

Kasunod ang record na ito ng pagtukoy sa 2023 bilang pinakamainit na taon sa planeta, base sa global records mula 1850, sa patuloy na pagpapainit ng human-caused climate change at ng El Niño weather phenomenon sa mundo.

“Not only is it the warmest January on record but we have also just experienced a 12-month period of more than 1.5 C (1.7 F) above the pre-industrial reference period,” pahayag ni C3S Deputy Director Samantha Burgess.

“Rapid reductions in greenhouse gas emissions are the only way to stop global temperatures increasing,” dagdag niya.

Sa 2015 Paris Agreement, napagkasunduan ng mga bansang pigilan ang paglampas ng global warming sa 1.5 degrees Celsius, upang makaiwas sa mas malalang epekto ng mainit na panahon.

Sa kabila ng paglampas sa 1.5 C sa 12-month period, hindi pa sumisirit ang temperatura sa Paris Agreement target, na tumutukoy sa average global temperature sa loob ng ilang dekada.

Ayon sa mga siyentipiko, imposibleng maabot ang target, subalit hinikayat ang mga gobyerno na paspasan ang aksyon ng mga ito at tapyasan ang  CO2 emissions upang mapigilang lumampas sa target – at mailigtas ang sangkatauhan at ang kapaligiran. RNT/SA

Previous articleTanod patay sa pamamaril ng utol!
Next articleTelco overhaul sagot sa pagpapalakas ng digital economy – NEDA