Home NATIONWIDE Pinakamataas na heat index naitala ng PAGASA  

Pinakamataas na heat index naitala ng PAGASA  

MANILA, Philippines- Sa gitna ng pagbayo ni Bagyong “Aghon,” naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagong pinakamataas na heat index ngayong 2024 nitong Linggo, Mayo 26.

Sa pinakabago nitong bulletin, sinabi ng PAGASA na naranasan ng Guiuan, Eastern Samar ang heat index na 55 degrees Celsius (°C), mas mataas ng 2°C kumpara sa 53°C na naitala sa Iba, Zambales noong Abril 28.

Nasa ilalim ito ng “extreme danger” effect-based classification, kung saan ang heat stroke ay “imminent.”

Mahigit 28 lugar naman ang nakaranas ng ‘dangerous’ heat index noong Mayo 27.

Samantala, sinabi ng PAGASA na 28 lugar ang maaaring makaramdam ng heat index na itinuturing na “dangerous” ngayong Lunes, Mayo 26.

Posibleng umabot ang heat index sa Guiuan, Eastern Samar sa 46°C ngayong Lunes.

Inaasahan namang papalo ito sa 45°C sa Borongan, Eastern Samar, at Zamboanga City, Zamboanga Del Sur.

Nakaamba sa Laoag City, Ilocos Norte;  Catarman, Northern Samar; Catbalogan, Samar; Tacloban City, Leyte; Maasin, Southern Leyte; Laguindingan Airport, Misamis Oriental; Surigao City, Surigao Del Norte; and Butuan City, Agusan Del Norte ang 44°C heat index.

Dagdag ng PAGASA, nagbabadya sa MMSU, Batac, Ilocos Norte; Tuguegarao City, Cagayan; Puerto Princesa City, Palawan; Dumaguete City, Negros Oriental; Panglao International Airport, Bohol; at Siquijor, Siquijor ang heat index na 43°C.

Posible namang maitala ang 42°C heat index sa Sinait, Ilocos Sur; Dagupan City, Pangasinan; Bacnotan, La Union; Aparri, Cagayan; Cuyo, Palawan; Virac (Synop), Catanduanes; Masbate City, Masbate; Mactan International Airport, Cebu; Dipolog, Zamboanga Del Norte; Davao City, Davao Del Sur; at Cotabato City, Maguindanao. RNT/SA