MANILA, Philippines – Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang panukalang batas na magpapalawak sa school-based feeding program (SBFP) para mas maraming mag-aaral sa pampublikong paaralan ang makinabang.
Sa ilalim ng House Bill No. 9466 na nag-aamyenda sa Republic Act No. 11037 o “Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act,” sakop na ng feeding program ang lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, at mga undernourished learners mula Grade 4 hanggang Grade 12.
Kapag naging batas, madadagdagan din ang feeding days mula 120 araw hanggang 200 araw kada taon.
Sasaklawin din ng programa ang nutritionally-at-risk pregnant learners, children with disabilities, indigenous learners, at iba pang vulnerable sectors.
Ayon kay Roman Romulo, chairman ng House committee on education, nananatiling malaking hadlang sa pag-aaral ng mga bata ang gutom at kakulangan sa nutrisyon.
“At the heart of this measure is a simple but urgent reality: hunger and undernutrition remain among the gravest barriers to learning, development, and productivity among Filipino children,” ani Romulo.
“For many of our learners, especially those in vulnerable communities, the classroom is difficult to navigate on an empty stomach. A child who is hungry cannot concentrate. A child who is undernourished struggles to grow, to learn, and to thrive,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Romulo na layunin ng panukala na gawing tuloy-tuloy at mas malawak ang nutrition program para matugunan hindi lamang ang gutom kundi pati micronutrient deficiencies, child development, maternal nutrition, sanitation, health education, at food sustainability.
Isa sa mga may-akda ng panukala si Faustino Dy III.
Sa mga pagdinig ng komite, inalala rin ng mga mambabatas ang kakayahan ng Department of Education na ipatupad ang mas malaking feeding program lalo na’t aabot sa 26 milyong estudyante ang maaaring makinabang.
Inamin ni DepEd Bureau of Learner Support Services Director IV Miguel Angelo Mantaring na sa ngayon ay kulang pa ang kapasidad ng ahensya para ipatupad nang buo ang expanded SBFP kahit nadagdagan na sa P28.6 bilyon ang pondo nito.
Iminungkahi naman ni Antonio Tinio ang “targeted increase” habang unti-unting pinapalakas ang kakayahan ng DepEd.
Samantala, sinabi ni Arman Dimaguila na maaaring tumulong ang mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng feeding program dahil mayroon silang sapat na tauhan at karanasan para rito. RNT/MND