Home HOME BANNER STORY Pinas kumabig, DOJ handa nang makipag-usap sa ICC

Pinas kumabig, DOJ handa nang makipag-usap sa ICC

MANILA, Philippines – Handa na ang Pilipinas na makipag-usap sa International Criminal Court (ICC) sa gitna ng gumugulong nitong imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ito ang pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na taliwas sa mga naging pahayag niya noon na hindi makikialam ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC dahil kumalas na ang bansa sa Rome Statute o ang tratado sa pagbuo ng ICC.

Sinabi ni Remulla na may mga bahagi ng usapin na maaring makipagtulungan ang pamahalaan at matalakay ang mga isyu na may hangganan.

Nagsampa sa ICC ng reklamo ang mga biktima umano ng extrajudicial killings dahil sa naturang kampanya.

“We will talk to them soon in a very well-defined manner, in the spirit of comity. Some people are trying to bridge the divide to bring us together, so we can sit at one table,” ani Remulla.

Ioinaliwanag ng kalihim na ang pakikipagtulungan sa isang international tribunal ay pinapayagan naman sa batas ng Pilipinas. Patunay aniya ito ng paglabas masok ng bansa ng ilang kinatawan mula sa ICC.

“I know that, as anecdotally from people I know from the human rights community, they’ve been in contact here,” dagdag ni Remulla.

Samantala, binatikos ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo ang naging pahayag ni Remulla.

Aniya, pinahina lamang ni Remulla ang opisyal na paninindigan ni Pangulong Marcos na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at hindi kailanman makikipagtulungan ang bansa sa naturang international body. Teresa Tavares