Home OPINION PINAS, SUSUNOD BA SA US ACTION VS ICC?

PINAS, SUSUNOD BA SA US ACTION VS ICC?

NAGPALABAS si United States President Donal Trump ng kautusan laban sa International Criminal Court.

Ginawa ni Trump ang aksyon laban sa ICC makaraang magpalabas ito ng warrant of arrest laban kina Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu at dating defence minister nitong si Yoav Gallant.

Kabilang sa nilalaman ng executive order ang mga parusang pang-ekonomiya at panlalakbay dahil sa umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan ng ICC sa walang basehang paglalabas ng warrant of arrest kina Netanyahu at Gallant na inakusahan nito ng “war crimes at crimes against humanity” kaugnay ng giyerang Israel at Hamas sa Gaza Strip o Palestine.

Mapanganib na hakbang din umano ang ginawa ng ICC mismo sa mga tauhan ng pamahalaang US bukod sa malaking malaking banta rin sa pambansang seguridad nito.

Hindi mang pinangalanan ni Trump ang mga taga-ICC na target ng mga pagpaparusa, sinabi nitong bawal pumunta sa US ang mga ito, kasama ang kanilang mga pamilya, hindi makapaglalabas ng salapi sa bangko at bawal na bumili ng anomang ari-arian.

Noong unang umupo si Trump bilang Pangulo, kinastigo o pinarusahan na rin nito ang ICC, kasama ni noo’y chief prosecutor Fatou Bensouda at isang opisyal ng ICC sa tangkang paglilitis sa mga pwersang Amerikano at Central Intelligence Agency sa Afghanistan sa bintang na gumawa ang mga ito ng war crimes at crimes against humanity.

Protektado na rin umano ng kautusan ang mga kaalyado ng US.

Kaugnay nito, hindi miyembro ng ICC ang US, Israel, Pakistan, Saudi Arabia, Russia, China at iba pa at kumalas naman ang Pilipinas sa panahon ni dating Pangulong Digong Duterte.

Kaalyado ng US ang Pakistan, Saudi Arabia, Israel at Pilipinas.

PINOY SA US NA PRO ICC

Maalaalang may mga Pinoy na nasa US na kakampi ng ICC laban kay Pangulong Digong Duterte.

Maiingay at aktibo ang mga ito sa pakikisama sa ilang Pinoy sa ating bansa na nagnanais na sakupin ng ICC ang Pilipinas para usigin si Pang. Digong sa bintang na nakagawa ito ng krimeng sakop ng ICC kaugnay ng war on drugs.

Sa palagay ba ninyo, hahayaan ni Trump ang pag-iingay ng mga maka-ICC na Pinoy sa US laban kay Pang. Digong?

Hindi kaya sila maaapektuhan ng mga deportasyon o pagpapalayas ni Trump sa mga dayuhan, lalo na kung kuwestiyonable o iligal ang paninirahan nila roon?

O pababayaan ba ni Trump na makialam ang ICC sa Pilipinas na kaalyado ng US?

PILIPINAS KOKONTRA BA KAY TRUMP?

Sinasabi ni Pang. Bongbong Marcos na hindi niya hahayaang makialam ang ICC sa bansa batay sa problema sa hurisdiksyon at pagiging dayuhan ng ICC na hindi dapat makialam sa mga panloob na usapin ng bansa.

Ngunit may mga opisyal naman siyang malambot sa ICC.

Ang iba, kontra sa ICC dahil buhay na buhay ang mga korte sa Pilipinas para sa paglilitis ng anomang kasong katulad ng kasong pwedeng sakupin at litisin ng ICC.

Ngunit bilang kaalyadong bansa ng US, papayag ba ang Pilipinas na mamayani ang kagustuhan ng ICC na mang-usig ng mamamayang Filipino at kontrahin si Trump?