Home NATIONWIDE Pinas tutugon sa 10-dash line map ng Tsina – PBBM

Pinas tutugon sa 10-dash line map ng Tsina – PBBM

MANILA, Philippines- Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sasagutin ng Pilipinas ang ipinalabas na bagong “official standard” map ng China na nagpapakita ng ‘extended claims’ sa  South China Sea (SCS).

Gayunman, hindi naman nito partikular na tinukoy kung paano aaksyunan ng gobyerno ng Pilipinas ang kamakailan lamang na ginawa ng Asian Superpower.

“We received the news that now the nine-dash line has been extended to the ten-dash line so these are… we have to respond to all of these and we will. But again, these are operational details that I would prefer not to talk about,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa Palawan.

“We have stayed true to rules-based international law especially the UNCLOS and that I think puts us in a solid ground in terms of our claims for territorial sovereignty, for maritime territory,” dagdag na wika nito.

Ani Pangulong Marcos, maraming bansa ang sumusuporta sa Pilipinas pagdating sa pagdepensa sa soberanya sa resource-rich region base sa international law.

“This has been validated and supported by many many countries around the world and we should take strength in that and I believe that… that again is very big help to the Philippines in continuing to defend our maritime borders,” ang wika pa ni Pangulong Marcos.

Nauna rito, sa ulat, mariing tinutulan ng Pilipinas ang paglalabas ng Ministry of Natural Resources ng People’s Republic of China ng 2023 bersyon nito ng Standard map dahil sa pagsama nito ng 9-dash line na ngayon ay ginawa ng “10-dash line” na nagpapakita ng halos kabuuan ng pinagtatalunang karagatan.

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang basehan sa ilalim ng international law partikular na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang panibagong pagtatangka ng China na gawing lehitimo ang sinasabi nitong soberanya at hurisdiksiyon nito sa maritime zones at features ng Pilipinas.

Kabilang kasi sa nakasama sa 10-dash line map ng China ang West Philippine Sea na itinawag ng gobyerno ng PH sa parte ng pinagtatalunang karagatan na nakapaloob sa exclusive economic zone ng bansa na pilit inaangkin ng China.

Sinabi din ng DFA na una nang pinapawalang-bisa ng Arbitral Award na iginawad sa Pilipinas noong 2016 ang 9-dash line ng China kung saan nakasaad na ang maritime areas ng pinagtatalunang karagatan na pinapalibutan ng parte ng 9-dash line ay salungat sa UNCLOS at walang legal na epekto sa pagpapalawig pa ng China ng geographic at tunay na limitasyon nito sa kanilang maritime entitlements sa ilalim ng Convention.

Kung kaya’t nananawagan ang Pilipinas sa China na kumilos nang responsable at tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng UNCLOS at sa pinal at umiiral na 2016 Arbitral Award.

Una rito, ang bagong 10-dash ng China ay inilagay malapit sa Taiwan upang maipakita na ang status ng naturang teritoryo ay bilang isang Chinese province. Kris Jose