Home NATIONWIDE Pinas uulanin sa amihan, buntot ng bagyo

Pinas uulanin sa amihan, buntot ng bagyo

182
0

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas ang Northeast Monsoon o amihan, habang makaaapekto naman sa silangang bahagi ng Mindanao ang trough ng Tropical Storm Nuri na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA nitong Huwebes.

Ayon sa PAGASA, alas-3 ng madaling araw nang mamataan ang Tropical Storm Nuri sa layong 1,415 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 80 km/h, habang kumikilos pa-hilagang silangan sa bilis na 10 km/h.

Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Dinagat Islands at Surigao del Norte dulot ng trough ng bagyo. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.

Samantala, makararanas ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang Batanes at Babuyan Islands dahil sa amihan, na maaari ring magdulot ng pagbaha o landslide dahil sa katamtaman hanggang minsang malakas na ulan.

Magiging maulap naman na may mahihinang pag-ulan sa nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Aurora, Apayao, at Kalinga dahil pa rin sa amihan ngunit wala umanong inaasahang malaking epekto.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Mindanao, Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte dulot ng localized thunderstorms, na maaari ring magdulot ng pagbaha o landslide kapag lumakas ang bagyo o thunderstorms.

Sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang pag-ulan dulot ng amihan at wala namang inaasahang malaking epekto.

Makakaranas naman ng katamtaman hanggang malakas na hangin na papahanging hilagang-silangan ang hilaga at silangang bahagi ng Luzon na may katamtaman hanggang maalon na karagatan. Gayundin ang silangang bahagi ng Visayas at Mindanao na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na hangin mula hilagang-silangan hanggang hilaga at katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas din ng katamtaman hanggang malakas na hangin mula hilagang-silangan na may katamtaman hanggang maalon na karagatan, habang ang iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng mahina hanggang katamtamang hangin mula hilagang-silangan hanggang hilaga at bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng dagat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here