Home OPINION WALANG PONDO PARA SA OFWs

WALANG PONDO PARA SA OFWs

192
0

NAKALULUNGKOT ang naging tanawin sa embahada ng Pinas sa Bahrain kamakailan.

Wala umanong pondo ito para asistihan ang mga Pinoy, kasama ang mga overseas Filipino worker na na naiipit at nawawalan na ng hanapbuhay at seguridad dahil sa digmaan sa pagitan ng Iran at United States at Israel.

Makaraang tumakbo roon ang mga Pinoy para magpatulong, pinaalis sila dahil wala umanong maitutulong ang mga taga-Embahada.

Klaro pang inihayag ng mga taong-Embahada na magsumbong na ang mga Pinoy sa kung sino.

Nauna rito, nagpahayag na umano ang mga opisyal sa Embahada na suspendido na ang pamimigay ng ayuda sa mga Pinoy at sinomang pupunta roon na walang pasabi o appointment ay hindi ie-entertain.

Sinasabi ng Palasyo na sinibak na ang mga empleyado sa kawalan ng mga ito ng pagpapatupad ng polisiya ng gobyerno na bigyan ang mga Pinoy na lubos na pag-ayuda ngayong may matinding krisis.

Pero paano nga makatutulong ang mga embahada at labor attache kung wala nga silang pondo?

Ang magagawa na lang nila marahil ay papasukin sa kanilang mga opisina o ibang lugar ang mga nawawalan at naiipit at pagsilbihan ang mga ito ng mga pinaka-basic na pangangailangan gaya ng pagkain, matutulugan, gamot at iba pa.

IBA PANG MGA PROBLEMA

Pero hindi lang sa Bahrain may matinding problema.

Maraming emergency hotline sa telepono ang hindi matawagan kahit sa Saudi Arabia at mismong Israel na ngayo’y deklarado ang national emergency dahil sa matinding pambobomba ng Iran.

May mga gusto namang magbalik-Pinas ngunit sa huli, binabawi nila ang pagbabalik dahil wala silang madaratnan sa Pinas na maayos na hanapbuhay para sa kanilang mga pamilya.

May mga nahaharang naman sa checkpoints, kabilang na ang mga nasa border ng Israel at Egypt.

Tila hirap din ang Pinas sa pagpapadala ng sapat na pondo para sa gastusin kahit pa may bilyon-bilyong pisong pondo rito ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration.

At kung aabot sa nasa 100,000 ang iuuwi, kailangan ang nasa P15 bilyon para rito para sa pag-aarkila ng mga eroplano, pamasahe at financial assistance.

Ang maganda lang na balita, may matagumpay nang pagbabakwit ng mga Pinoy ngunit kakaunti ang bilang ng mga ito kumpara sa libo-libong gusto nang umuwi sa Pinas.

PAANO KUNG MAGTAGAL ANG GIYERA?

May 2.8 milyong Pinoy sa buong Gitnang Silangan, karamihan OFWs.

Paano kung totoong magtatagal ng anim na buwan o higit pa ang digmaan?

At paano ang bangis ngayon ng labanan sa pagitan ng Iran laban sa US, Israel at maraming Arabong bansa, kabilang ang Saudi Arabia, Jordan, Lebanon, Qatar, United Arab Emirates, Oman, Kuwait, Yemen, Iraq, Turkey, Azerbajian, Bahrain at iba pa?

Dapat maghanda nang husto ang buong pamahalaan para sa pagpapauwi ng daan-daang libong OFWs kundi man milyon.

Nasaan ang mga pondo at iba pang mga dapat ihanda para sagipin sa panganib, gutom at paghihirap ang mga OFW at mga pamilya nila na apektado rin?
Matanong pala natin: Trilyong piso ang ninanakaw ng mga korap ngunit wala o kakarampot lang ang inilaan sa mga OFW?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here