Home NATIONWIDE Pinas walang kakayahang palayasin ang China monster ship – PBBM

Pinas walang kakayahang palayasin ang China monster ship – PBBM

MANILA, Philippines — Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes na wala ang Pilipinas ng kakayahang paalisin ang “monster ship” ng China Coast Guard na kasalukuyang nasa loob ng teritoryo ng bansa.

Sa isang press briefing sa Palasyo, tinanong si Marcos kung babaguhin ng gobyerno ang diskarte dahil hindi pa umaalis ang barko ng China.

Bagamat inamin ang limitasyon, tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang gobyerno sa pagtatanggol ng karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ).

“Well, we don’t have the means to expel them. Kung mayroon tayong aircraft carrier na may kasamang destroyer, frigate, at submarine na magpu-push sa barko palayo, mabuti sana. Wala tayo niyan,” sabi ni Marcos.

Idinagdag pa niya, “Kung sa palakihan at paramihan lang ng barko, malayo tayo sa China. Pero ang policy naman natin is that we will continue to defend our territorial, our sovereign territory and our territorial rights in the EEZ.”

Ang Philippine Coast Guard (PCG) ay patuloy na minomonitor ang sitwasyon, at ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, ang BRP Teresa Magbanua ay nakatulong upang mailayo ang CCG “monster ship” mula sa Zambales coastline. Ipinagbigay-alam ng PCG na ang Chinese vessel ay nasa 117 nautical miles mula sa dalampasigan matapos ang pushback.

Sa kabila ng mga tensyon, patuloy na iginiit ng Pilipinas ang kanyang karapatan sa West Philippine Sea, batay sa desisyon ng isang internasyonal na korte noong 2016 na pumabor sa Pilipinas laban sa mga claim ng China. Gayunpaman, hindi kinikilala ng China ang desisyon. RNT