Home OPINION PINOY MUNTIK ITINAPON SA LIBYA

PINOY MUNTIK ITINAPON SA LIBYA

MUNTIK nang sa Libya napunta ang isang Pinoy na ipinaaresto at ipinatapon ni American President Donald Trump.

Nangyari ito batay sa kwento ng abogadong si Johnny Sinodis na nakabase sa San Francisco City, California na nagtatanggol sa mga Pinoy at iba pang apektado ng deportasyon.

Kwento ni Sinodis na nito lang Abril, nasa bus na laman ang 12 deportee at naghihintay nang isakay sa eroplanong pangmilitar ang nagulat nang hindi natuloy ang kanilang pagsakay sa eroplano.

Ilang oras umano silang nanatili lang sa bus at nang hindi sila pinasakay sa eroplano, bumwelta na ang bus pabalik sa kanilang detention center.

Umalis man ang eroplano makaraan, sa kulungan sa Guantanamo, Cuba nagtungo.

Nauna rito, ipinaglalaban ng mga deportee, kasama ng mga Laotian at Vietnamese na kasama ng Pinoy, sa kanilang sari-sariling bansa dapat sila itapon at hindi sa kung saan-saan.

Naayon ito sa kautusan ni Federal Judge Brian Murphy na kung ipatatapon man ang sinomang dayuhan sa hindi nila bansa, dapat mabigyan ang mga ito ng paunawa at pagkakataon na kumontra o sumang-ayon.

Matatandaang marami na ang ipinatapon si Trump na mga dayuhan at humahantong ang mga ito sa isang mega-prison sa bansang El Salvador, kasama ang mga Venezuelan at iba pang taga-ibang Latin America.

At muntik nang matulad ang Pinoy at mga Laotian at Vietnamese dito.

Hanggang ngayon, hindi malinaw kung bakit hindi natuloy ang pagpapatapon sa Libya ngunit lumilitaw na itinanggi ng Libyan Embassy na may kasunduan para rito.

Naniniwala rin ang iba na napag-isip-isip ng mga awtoridad ang desisyon ni Judge Murphy at sila ang mayayari kung si Trump lang ang kanilang susundin at hindi ang mga batas na pinagbabatayan ng mga huwes sa kanilang mga desisyon laban sa mga deportasyon ngayon.

Dapat mahigpit na subaybayan at ayudahan ng gobyerno ang mga dinarakip at ipinatatapon na Pinoy na aabot sa 350,000.