NAGSIMULA nang kumilos ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Agriculture, National Food Authority, Local Government Units at Kadiwa Stores para magtinda ng P20 kada kilo ng NFA rice.
Dapat noon pang Mayo 2, 2025 magtinda ang gobyerno pero sinaway ito ng Commision on Elections para hindi magamit ang programa sa pagbili ng boto.
Ang sabi, pangunahing benepisyaryo ang mahihirap, single moms at senior citizens, pero sa huli, pwede rin ang iba.
Nasa 30 kilo lang sa loob ng isang buwan ang pwedeng bilhin at sa karanasan, kung nasa lima ang miyembro ng pamilya, 20 araw itong uubusin.
HANGGANG DISYEMBRE
Sinasabing hanggang Disyembre ang programa at makikinabang ang nasa 4 milyong tao.
Punuan umano ang mga bodega ng NFA kaya dapat ibenta.
Pero ang totoo, ibebenta talaga dahil kung hindi gagawin ito, pamamahayan lang ng bukbok makaraan ang anim na buwan na pagkakaimbak at masisira lang sa kalaunan.
Marahil ang mga bigas mula sa nabiling palay noong Oktrubre-Nobyembre 2004 ang unang ibebenta at isusunod ang mga ani nitong Pebrero-Marso 2025.
Ibebenta umano ang mga bigas sa mga lugar, bayan at lalawigan na wala o kakaunti ang produktong bigas dahil sa kaunti o kawalan ng palayan.
Bibilhin ng mga Kadiwa Store, LGU at iba ang NFA rice sa halagang P13 kada kilo saka ibebenta ito sa P20 kada kilo.
LUGING-LUGI ANG GOBYERNO
Kung pag-aaralan ang nagaganap sa NFA rice, luging-lugi ang gobyerno.
Bumibili ang NFA ng palay sa halagang P17 kada kilo kung bagong ani at basa pa ang palay habang P23 kada kilo kung nabilad nang husto at tuyo na ito diretso sa gilingan.
Kung pagsama-samahin ang mga proseso sa pagbili, pagbibilad, pag-iimbak, transportasyon, kuryente, tubig, sahod ng mga empleyado sa mga warehouse at iba pa, mga Bro, dapat ibenta ang NFA rice sa P35 kada kilo para hindi malugi ang ahensya.
Ngunit kailangan talagang magbenta nang palugi para nga hindi nga masira ang bigas.
PANGAKO?
Ang sabi ng gobyerno, nagsimula nang maganap ang pangako mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na P20 kada kilo ang bigas.
Ang inaasahan ng tao, magsisimulang matupad ang pangako mula sa magandang ani.
Pero gaya ng sinabi natin sa itaas, mapipilitang magbebenta ang gobyerno ng NFA rice upang hindi mabukbok at mabulok…at hindi dahil sa may magandang ani.
Ang masaklap pa, hanggang 4 milyong tao lang ang pupwedeng makinabang, hindi ang buong sambayanang binubuo ng 110 milyon Pinoy.
PINAS, PINAKAMALAKING IMPORTER SA 2026
Ang masaklap pa, gaya ng nagaganap taon-taon, kukulangin ang bigas sa Pinas ng 5.5 milyong tonelada sa susunod na taon, ayon sa United States Department of Agriculture.
At ang nasabing bulto ang dapat na angkatin natin mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Thailand, Vietnam, India at iba pa.
Muli, tahasan nating sasabihin na hindi bunga ng magandang ani ang mabibiling P20 kada kilo.
At mananatiling maging mataas ang presyo ng bigas para sa higit na nakararami o 104M Pinoy.
Natupad na pangako?
Biruin n’yo na ang lasing at bagong gising, huwag ang Pinoy.