Nanawagan si reelectionist Senator Francis 'TOL' Tolentino sa mga Pilipino na piliin ang Palawan bilang kanilang susunod na travel destination. Aniya, makatutulong ang turismo sa lokal na ekonomiya at maituturing ding ambag ng bawat bibisita para kontrahin ang “false claims” sa Chinese social media kaugnay sa kasaysayan ng Palawan.
Nanawagan si reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino sa mga Pilipino na piliin ang Palawan bilang kanilang susunod na travel destination.
“Hinihikayat ko ang ating mga kababayan, lalo doon sa mga may planong bumyahe at magbakasyon, na tuklasin ang Palawan, at ipagmalaki ito sa inyong social media posts,” ayon kay Tolentino sa isang panayam sa radyo.
“Ibig sabihin ng mas maraming turista ay lalakas din ang lokal na ekonomiya nila,” dagdag ng senador, sabay sabing ito rin ang maaaring maiambag ng mga Pilipino para kontrahin ang kumakalat na “false claims” sa Chinese social media ukol umano sa kasaysayan ng Palawan.
“Ang Palawan noon pa man ay bahagi ng Pilipinas, at sya’y mananatiling nakapaloob sa ating bansa,” diin ng senador.
Binanggit nya ang ilan sa mga ipinagmamalaking tourist spots ng probinsya, kabilang ang Puerto Princesa Subterranean National Park at Tubbataha Reefs Natural Park – parehong UNESCO World Heritage site – bukod pa sa Honda Bay, El Nido, at Coron.
Sakop din ng Palawan ang munisipalidad ng Kalayaan, ang pinakamalaking isla sa Kalayaan Island Group (KIG) – kung saan regular na iniuulat ng mga awtoridad ang presensya ng maraming barko ng China coast guard at militia.
Si Tolentino ang pangunahing may akda sa Philippine Maritime Zones Act (RA 12064), na nagpapalakas sa integridad ng teritoryo ng bansa, kabilang ang paggigiit sa mga karapatan nito sa West Philippine Sea sang-ayon sa international law. RNT