SA pagkaaresto ng isang miyembro ng Quezon City Police District na sangkot sa viral hit-and-run incident sa Pasig City ay isang paraan upang buksan ang mahalagang usapin kaugnay sa pananagutan sa hanay ng mga pulis.
Siyempre, para sa nakararami, ipinakikita lang ng Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni PGen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. na walang sinoman ang higit sa batas, lalo na kapag ang biktima ay isang ordinaryong mamamayan.
Kaya naman, buong pagbubunyi na dapat parangalan ang mga pulis na humuli sa kanilang kabaro na ngayon ay sinasabing nasa kustodiya ng PNP at sumasailalim sa imbestigasyon at mahaharap sa kasong administratibo at kriminal.
Gayunman, dapat ay batid rin ng PNP na maraming insidente na sangkot ang mga pulis subalit hindi naman ang mga ito napananagot lalo na kapag ang gamit na sasakyan ng mga pulis ay motorsiklo. Bakit? Kasi, marami sa mga motorsiklo ng mga pulis ang nakapaglabas-pasok sa mga kampo o istasyon ng pulisya na hindi naman rehistrado.
May ilan pa nga sa mga sasakyan ng mga pulis na ito ay pawang “sabit” plaka o kaya naman ay hindi nakakabit ang rehistradong plaka sa halip ay temporary plate lang. Kapag ang ganitong sasakyan ay nasangkot sa kalokohan o aksidente, nagiging mahirap matukoy ang may-ari at ang accountability ay nagiging malabo.
Kaya panawagan kay PNP chief ang transparency at hindi lamang isyu ng disiplina kundi ng mismong sistema ng kontrol sa kagamitan ng mga tauhan ng pulisya.
Kung ang isang sasakyan ay ginagamit sa pampublikong kalsada ngunit walang malinaw na plaka, nabubura ang pangunahing mekanismo nang pagtukoy ng responsibilidad. Ito ay nagbubukas ng puwang para sa pangamba ng publiko na maaaring may mga insidenteng hindi agad nalilinaw o natutukoy ang buong katotohanan.
Ang PNP ay tama sa paninindigang ang uniporme ay simbolo ng serbisyo, hindi kanlungan mula sa batas. Ngunit ang prinsipyong ito ay dapat maramdaman hindi lamang sa malalaking kaso na nagvi-viral, kundi sa araw-araw na disiplina sa lahat ng miyembro nito.
Dapat alam ng mga pulis na may mga sasakyan, maging apat o dalawa man ang gulong, na ang tunay na sukatan ng pagbabago o pagpakikita ng maayos na serbisyo ay hindi lamang mabilis na pag-aresto, kundi ang sistematikong pagtiyak na walang sinomang kawani ng estado ang makaiiwas sa pananagutan dahil sa kakulangan ng transparency, maging sa simpleng bagay gaya ng maayos na plaka sa motorsiklo.






