MANILA, Philippines – Hindi bababa sa dalawang manlalaro ng Gilas Pilipinas ang nagtamo ng mga pinsala bago ang window ng Nobyembre ng FIBA Asia Cup Qualifiers.
Si Kai Sotto ay nasa ilalim ng concussion protocol, habang si AJ Edu ay nag-absorb ng injury sa tuhod sa kani-kanilang mga stints sa Japan B.League.
Bukod sa dalawang manlalaro, hindi pa rin nakakabalik sa laro si Jamie Malonzo matapos magtamo ng calf injury noong Abril.
Sa kabila ng mga pinsalang bumabagabag sa koponan, ang nasabing mga manlalaro ay kasama pa rin sa Gilas Pilipinas pool dahil umaasa si head coach Tim Cone na maiangat ang laro ng pambansang koponan sa bawat window ng torneo.
Kasama rin sa pool sina Japeth Aguilar, Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Ange Kouame, Chris Newsome, Calvin Oftana, CJ Perez, Dwight Ramos, Carl Tamayo, at Scottie Thompson.
Ang mga collegiate standout na sina Kevin Quiambao at Mason Amos ay bahagi rin ng pool.
Sinimulan ng mga nationals ang kanilang training camp kahapon sa Laguna.
Makakalaban ng Gilas ang New Zealand sa Nobyembre 21 at Hong Kong sa Nobyembre 24. Kasalukuyang may 2-0 record ang Pilipinas sa Group B ng qualifiers.JC