Home OPINION PLDT MABILIS MAGPUTOL, PANGIT NAMAN SERBISYO

PLDT MABILIS MAGPUTOL, PANGIT NAMAN SERBISYO

SINONG hindi mapipikon sa serbisyo ng Philippine Long Distance Telephone o PLDT na bigla na lang magpapadala ng mensahe sa nakatala sa kanilang mobile phone ng kanilang subscriber kaugnay sa naantalang serbisyo nito?

Sa kanilang mensahe, sinasabi ni PLDT na “We’re currently working on a network issue that may affect the landline, internet and Cignal TV services in your area. We expect restoration in 4 hours and will keep you updated.”

Kapag natapos na ang apat na oras na kanilang sinabi na maibabalik ang serbisyo, masusundan naman ng “We’re still fixing the issue affecting the service. Estimated restoration is extended by 8 hours. Thanks for understanding.”

O, may magagawa ba si subscriber? At lalong mabubwisit kapag nasundan ang mensahe ng “we’re still working on the issue. We’ll provide an update as soon as we can. Thanks for your patience.”

Sa mahigit isang araw na pagkawala ng internet lalo na sa katulad ng inyong Pakurot  na work from home at umaasa sa wifi, mainit na ang ulo dahil kailangang lumuwas pa at pumasok sa opisina at doon magtrabaho.

Sa ikalawang araw, may kasunod na mensahe ang PLDT at “We’re still working on the issue to fully restore it. Thanks for your patience and understanding.”

Pero sa ikatlong araw, wala nang mensahe. Baka nahiya na dahil sila man tulad ng kanilang subscriber ay napundi na rin dahil sa palpak nilang serbisyo.

January 26 nawala ang kanilang serbisyo. Nagbalik lang noong January 30 kaya naman malakas ang loob na magmensahe nang “ Great news! The service issue in your area has been fixed……..”

Nasundan pa ng mensahe ng offer naman para sa upgrade para sa fiber-fast speed na tinatawag nilang PLDT BOOST. Nakakatawang nakaiinis  naman itong PLDT. Huwag muna mag-offer ng kung ano-ano kapag ‘di naman maayos ang serbisyo.

Ang daming reklamo. Sabi nila noong Enero 30, naayos na nila ang sira, pero nitong Pebrero 6, ganoon na naman ang nangyari. May ginagawa na naman kaya nawalan  ng serbisyo. Naibalik noong Pebrero 8. Kaya ang inyong lingkod wala na namang nagawa kundi lumuwas para sa opisina gumawa ng trabaho.

Alam n’yo kung ano ang kasunod na mensahe ng PLDT? Si Judith! Este due date pala, nagpapaalala  na kailangang bayaran ang kanilang serbisyo. Kapag inisnab si Judith este ang pagbabayad, tiyak na putol ang kanilang serbisyo.

Hesus na mahabagin. Ayusin n’yo naman PLDT ang inyong serbisyo bago ipanakot ang pagputol sa serbisyo. Nakapipikon na. Kundi lang nakakontrata ang Pakurot ng dalawang taon, iko-call ko ang pagputol n’yo ng tuluyan sa inyong walang kakwenta-kwentang serbisyo.

Sabi ng isang subscriber ng PLDT na taga-Cavite, ganda ng offer n’yo noong hindi pa nakukuha ang serbisyo n’yo, pero ngayong nakapirma na ng kontrata at nakabitan na, tsaka nila natuklasan na ang pangit ng serbisyo n’yo. Kaya nga raw nakiki-wifi na lang siya sa Globe.

“May plan pa kayong iniooffer at nalalaman, eh leche flan naman pala ang serbisyo n’yo,” ayon sa isang kaibigan sa kanyang comment sa Facebook page.

Baka naman gusto ng PLDT na ayusin ang kanilang serbisyong walang kaganda-ganda at kabuhay-buhay. Nakaiinis! Wala na lang magawa ang mga nakakuha ng kanilang serbisyo. Haist, makalipat na nga sa serbisyo ng Converge.

Previous articleDOLE NIREBISA ANG IMPLEMENTASYON NG IRR NG SERVICE CHARGE LAW
Next articleP/LTGEN EMMANUEL PERALTA, PRIDE OF NUEVA ECIJA