Home OPINION P/LTGEN EMMANUEL PERALTA, PRIDE OF NUEVA ECIJA

P/LTGEN EMMANUEL PERALTA, PRIDE OF NUEVA ECIJA

PALAKPAKAN muna at saluduhan natin ang pagkakatalaga kay PLtGen Emmanuel Baloloy Peralta bilang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng Philippine National Police.

Ang dating pang-apat sa pinakamataas na opisyal ng PNP bilang “The Chief Directorial Staff” ang pumalit kay PLtGen Rhodel Sermonia na nagretiro nitong Enero.

Ngayon, ang aking iniidolo since high school noong kadete pa lang siya ay nakaposisyon na bilang Deputy Chief for Administration ng PNP.

Iisang kalye lang sa Bagong Sikat sa Gapan ang kinalakhan naming ni Kuya Boy (tawag kay Gen. Peralta). Natatandaan ko na siya ang madalas na ayain ng yumao kong ama para maglaro ng tennis. Siya ang paboritong kalaro ng erpat ko.

Matikas at makisig itong si kababayan ko hindi lang sa eskinitang kinalakihan naming subalit sa buong bayan na kaya nga siya binansagang “Pride of Gapan”. Hinahangaan siya dahil sa kanyang pagsisikap na marating ang pinangarap niyang maging marangal na opisyal ng PNP.

Sa hanay ng ating pulisya, kung baga sa set-up ng ating pamahalaan, ang presidente ay ang chief PNP. Ang PNP Deputy Chief for Administration at PNP Deputy Chief for Operations ang kanyang mga bise. Ang TCDS naman ang General Manager.

Kaya kung pagbabasehan ang set-up na ito, angkop na angkop itong si Gen. Peralta sa anomang posisyon sa PNP. Dahil ito sa marami na rin siyang pwestong napagdaanan at naranasan bago siya umabot sa ganitong kasensitibo at mapanghamong posisyon.

Sigurado naman ako sa kanyang kakayahan. Masipag at masinop itong si Kuya Boy, bukod sa lahat, parehas siya.

Parehas dahil baga tinitimbang niyang maigi ang anomang desisyon na kailangan niyang gawin.

Maingay din ito sa kanyang pananalita, at prangka kapag hinihingi ng pagkakataon ang kanyang opinion sa mga isyu o kontrobersyal na mga diskurso.

Gaya na lamang nang dapat ay nakamit niya na ang Lieutenant General rank noong siya ay itinalagang TCDS. Nanatiling tapat na alagad ng batas si Gen Peralta kahit ‘di siya nagawaran ng ganoong ranggo at nanatili pa rin naglilingkod sa posisyong iniatang sa kanya.

Hindi biro ang pwestong pang-apat ka sa matataas na opisyal ng PNP. Ang TCDS ang siyang nangangasiwa sa lahat ng gawain ng PNP Directorial Staff Offices, bilang suporta sa labing-pitong (17) Police Regional Offices at iba’t ibang National Operational Support Units.

Kaya nabansagan din siya ng mga kapwa opisyal na “selfless leader” dahil trabaho ang ginagawa niya para sa kapakanan ng buong PNP. Nais niyang maging lider na disiplina ang saligan upang mapanatili ang integridad ng organisasyon.

Binabati ko ang masipag at masikap kong Kuya Boy. Yumabong pa sana ang iyong paglilingkod sa PNP.