Home NATIONWIDE Plenary assembly ikakasa ng CBCP sa M’danao sa unang pagkakataon

Plenary assembly ikakasa ng CBCP sa M’danao sa unang pagkakataon

MANILA, Philippines- Magsasagawa ng pinakamataas na antas ng pagpupulong sa kauna-unahang pagkakataon sa Mindanao mula Hulyo 6 hanggang 8 ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Binubuo ng 83 aktibong obispo, limang priest administrator, at 39 honorary members, ang CBCP ay nakatakdang magpulong sa Chali Conference Center sa Cagayan de Oro para sa kanilang ika-128 plenary assembly, ayon sa CBCP News.

Sisimulan ang closed-door meeting sa mensahe ni CBCP president Bishop Pablo David.

Ayon kay CBCP Secretary General Monsignor Bernardo Pantin, tatalakayin sa plenaryo ang mga mungkahing aktibidad para sa pagdiriwang ng Jubilee 2025 sa Pilipinas.

Ihahalal din ng CBCP ang tagapangulo ng Commission on Catholic Education, ang Sub-commission on Retired, Sick, and Elderly Priests, ang Sub-commission for Permanent Deacons, at ang Office for the Postulation of the Causes of Saints, sabi ni Patin.

May temang “Synod spirituality: Embracing ecology in the light of Laudato Sí and Laudate Deum,” magkakaroon ng retreat ang mga obispo sa Transfiguration Abbey na pinamamahalaan ng mga Benedictine Monks sa Malaybalay, Bukidnon bago ang plenaryo, sabi ng CBCP News.

Isa sa speaker sa retreat si Archbishop Paul Gallagher, ang Vatican’s Secretary for Relations with States, na gaganapin mula Hulyo 2 hanggang 4.

Nakatakda ring makipagpulong si Gallagher kay President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang limang araw na pananatili sa Pilipinas.

Makikipagkita rin siya kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo upang talakayin ang  larangan ng pagtutulungan ng Holy See at ng Pilipinas, tulad ng mas mataas na edukasyon, pamamahala ng migrasyon, interfaith dialogue, at pagbabago ng klima.

Isa sa mga tungkulin ng plenaryo na pagpupulong ay maglabas ng mga doktrinal na deklarasyon na pinagtibay ng mga miyembro ng CBCP, upang magpasya sa mga bagay sa polisiya at upang matukoy, aprubahan at magbigay ng mga tagubilin, deklarasyon, at mga dokumento na nagpapahayag ng opisyal na paninindigan ng Obispo ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden