ILANG linggo bago ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga kandidato sa 2025 midterm elections, mahigpit ang tagubilin ni Philippine National Police chief PGen Rommel Francisco Marbil na huwag makisawsaw sa pulitika ang mga pulis.
Banta pa ni Marbil sa kanyang mga tauhan, mananagot at mahaharap sa kasong administratibo ang sinomang pulis na masasangkot sa partisan politics o partisan activity sapagkat dapat ay wala ang mga itong pinapanigan.
Syempre, hindi pwedeng ang mga pulis ang maging “goons” ng mga politiko na nagnanais na malagay sa posisyon at kapangyarihan. Eh kanino pa nga tatakbo ang mga naaaping mamamayan kapag pumanig na sila sa mga politiko at magamit ang mga pulis sa mga iligal na gawain kabilang ang pananakot sa mamamayan upang sila ang iboto.
Pero ang sinasabi ni Marbil na hindi dapat makisawsaw sa pulitika ang mga pulis ay sa darating lang na halalan. Paano naman ang nangyayari ngayon sa Kongreso at Senado?
Sa Senado, walang problema dahil hindi naman lumalampas sa kanilang mandato ang mga senador. Nagiging parehas naman sila sa paggisa sa mga inimbitahan nila upang magbigay liwanag sa mga nangyari nang sa ganoon ay Maitama nila sa pamamagitan nang paggawa ng batas.
Ang problema lang ay sa Kongreso kung saan may mga ipinag-uutos ang mga ito na arestuhin na binibigyang panahon at oras ng PNP.
Bumuo pa nga ang PNP ng special team kabilang ang top investigators para tugisin ang mga indibidwal na tumulong sa pagtatago ni KOJC founder Apollo Quiboloy na nahaharap sa nga kaso ng child, sexual abuse at qualified human trafficking.
May pinakilos din ang PNP na hiwalay na tracker team para hanapin si dating presidential spokesperson Harry Roque na mayroong detention order mula sa Kamara matapos ma-cite in contempt sa ikalawang pagkakataon makaraang tumanggi na magsumite ng mga hinihinging dokumento para i-justify ang paglobo ng kaniyang yaman na iniuugnay sa iligal na POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Pero maituturing pamumulitika pa rin ang ginagawa ng PNP sapagkat nahuli na si Quiboloy at ex-Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na subject ng warrant of arrest ng korte.
Hindi ang mga pulis ang dapat sabihan na huwag makisawsaw sa pulitika ng mismong hepe ng Pambansang Pulisya subalit ang sarili niya at mga kapwa niya opisyal tulad ng Criminal Investigation and Detection Group. Ang mga opisyal na ito ang dapat pigilan sa pamumulitika sapagkat sila ang mga bumabali sa kanilang mga panuntunan.