Home OPINION DLTB BUS TINAKBUHAN NAAKSIDENTENG NEGOSYANTE

DLTB BUS TINAKBUHAN NAAKSIDENTENG NEGOSYANTE

NOONG Abril 8, 2024, isang vehicular accident ang naganap sa pagitan ng isang Nissan Navara pickup truck at isang DLTB bus sa Brgy. San Francisco, Tagkawayan, Quezon.

Ayon sa police report, patungong Bicol ang pickup nang bundulin ng bus na nasa kabilang lane ng highway. Dahil dito’y nawasak ng bus ang kaliwang parte ng pickup. Mabuti na lang at walang nasaktan sa sinoman.

Ang pickup ay pagmamay-ari ng businessman na si Rafa Eubra habang ang bus naman ay minamaneho ng isang nagngangalang Romeo Aquino Mateo.

Sa pamamagitan ng isang kasunduan, nagkaayos ang dalawang partido na ipakukumpuni ng kompanya (DLTB) ni Mateo at ibabalik sa dating hugis, anyo, at ganda ang pick up ni Eubra. Aminado ang tsuper na kasalanan niya.

Ang ‘agreement’ sa pagitan nina Eubra at Mateo, na ginawa “in good faith” at base na rin sa batas kung saan saksi pa ang mga pulis ng Tagcawayan, ay nagbigay-daan upang makaalis sa presinto si Mateo sakay ng kanilang bus.

Subalit hindi tumupad sa usapan ang partido ni Mateo at hindi na sumasagot ang driver sa mga text at tawag ni Eubra na dahilan upang magsampa ng reklamo ang negosyante sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Matapos ang mga pagdinig, nagbaba ng hatol ang LTFRB Public Assistance and Complaint Desk pabor kay Eubra at pinagbabayad  ng danyos ang DLTB na isang Chris Laporte ang representative.

Nasa P600,000 ang damage sa sasakyan ni Eubra at may other costs pa nagkakahalagang P900,000. Ang kabuuang halaga ay patuloy na binabalewala ng kompanya kahit patuloy na nakikipag-ugnayan dito ang lawyer ng businessman.

Mukhang matigas ang mukha ng DLTB, ha? Dahil patuloy pa rin na nakabibiyahe ang bus na pinipiloto ni Mateo o tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng kompanya kahit may obligasyon itong dapat ayusin.

Chairman Atty. Teofilo E. Guadiz III, pakisilip naman ito at baka may backer sa loob ng inyong tanggapan ang DLTB.