MANILA, Philippines- Nakikipag-usap na ang dating heneral ng Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa P6.7-billion drug haul mess upang bumalik sa bansa at sumuko, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes.
Nauna nang sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na umalis ng bansa ang heneral bago magpalabas ang Manila court ng warrant para sa pag-aresto sa kanya at 28 iba pang opisyal sa hindi umano maayos na prosekusyon ng drug case, isang bailable offense.
Sa panayam sa Camp Crame nitong Biyernes, sinabi ni CIDG Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, “There are already surrender feelers regarding that matter.”
“The general’s return is being formalized for him to surrender and post bail,” dagdag niya.
“When he arrives here, we’ll pick him up and we’ll assist him to post bail. That’s his right,” patuloy ng CIDG director.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Torre ang heneral, nagpalabas ang isa pang Manila court ng hiwalay na warrant para sa pag-aresto sa 28 pang pulis na sangkot umano sa pagtatanim ng ebidensya, isang non-bailable offense. Hindi kasama sa ikalawang warrant si dating PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Benjamin Santos Jr.
Base kay Torre, walo na lamang sa 29 wanted na pulis ang hindi pa nila hawak.
Sinabi rin ng CIDG director na sinisikap nilang matunton ang isa pang heneral, si dating Drug Enforcement Group chief Brig. Gen. Narciso Domingo, na nag-post ng video sa social media noong Jan. 31.
Sa video, inihayag ni Domingo na ang kaso laban sa kanila ay “ill-informed” at pinoprotektahan umano ng sindikato ang subject ng umano’y coverup na si Sgt. Rodolfo Mayo.
“We have tracers. They must just be thinking. Eventually, they have to face the music. They have to face the cases. That’s in their personal decisions now,” wika niya. RNT/SA