MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na makikipag-ugnayan ito sa mga bagong halal na opisyal sa local government units para paigtingin ang pagsisikap sa anti-drug operations laban sa small-scale drug dealers.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nais din niyang tugisin ng law enforcers ang small drug offenders nang hindi pumapatay.
“Kakatapos lang ng national and local elections. May mga bagong halal tayo na mga mayor, mga councilor. Ika-capacitate natin sila para maintindihan nila na itong laban natin sa droga ay hindi lamang dapat tinitignan sa law enforcement perspective. Kailangan pagtulungan ito ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, lalong lalo na ng ating komunidad,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang panayam.
“Isa pa sa gusto rin nating isulong ang pagpapasa ng mga barangay ordinances. Siguro sa iba, maliit na bagay ito. Gusto natin, pati sa barangay level pa lang ay nakakapagpasa sila ng mga anti-illegal drugs initiatives and programs, pati na ‘yung simple lang, ‘yung mga curfew hours,” dagdag ng opisyal.
Gayundin, iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Linggo ang commitment sa pagtalima sa panawagan ni Marcos laban sa small-scale drug dealers habang pinaiiral ang due process. RNT/SA