Home NATIONWIDE PNP may persons of interest na sa pagkawala ng beauty pageant bet,...

PNP may persons of interest na sa pagkawala ng beauty pageant bet, kasintahan

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Philippine National Police ang ilang persons of interest (POIs) na posibleng may kinalaman sa pagkawala ng isang kandidata sa beauty pageant at kanyang kasintahang Israeli, ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Martes.

Subalit, hindi pinangalanan ni Fajardo ang nasabing POIs at kung ilan ang mga ito upang hindi makompromiso ang imbestigasyon.

“May mga identified na persons of interest sa ngayon di ako makapagbigay na numero nakiusap po ang CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) na huwag muna magbigay ng detalye,” pahayag ni Fajardo sa isang press briefing nitong Martes.

“But we are pursuing very good leads,” patuloy ng opisyal.

Batay sa mga naunang ulat, nakipagkita sina Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 candidate Geneva Lopez at Yitchak Cohen sa isang “middleman” sa Tarlac upang silipin ang 20.5-ektaryang lupain na balak nilang bilhin.

Base sa mga pulis, huling nakita ang dalawa bandang alas-2 ng hapon noong Hunyo 21, habang natagpuan ang kanilang gray Nissan Terra sport utility vehicle (SUV) na nasusunog sa kahabaan ng Capas-San Jose Road sa Cristo Rey village ng alas-2:36 ng madaling araw noong Hunyo 22. 

Inilahad ni Capas police chief Lt. Col. Librado Maranang Jr. na sinuri ng mga pulis ang umano’y tila nasunog na “cellphone or tablet” na natagpuan sa loob ng SUV. 

“The mobile gadget, a cell phone, was brought to the regional anti-cybercrime office in Camp Olivas (in San Fernando, Pampanga) for forensic investigation. But data could no longer be retrieved from the gadget because it was completely burned,” sabi ng opisyal.

Dagdag ni Maranag, natagpuan ng mga operatiba ng CIDG ang abandonadong sasakyan sa kahabaan ng Barangay Tibag, Tarlac City, noong Linggo ng gabi (Hunyo 30). 

Wika ni Maranang, naghahanap pa sila ng mga saksi na tutulong sa pagtunton kina Lopez at Cohen.

Umapela siya sa sinumang may mahalagang impormasyon na makipagtulungan sa mga awtoridad.

Samantala, ipinag-utos ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang paglikha ng special investigation task group (SITG) upang imbestigahan ang pagkawala ng kandidata ng beauty pageant at kanyang kasintahan. RNT/SA