ALBAY, Philippines – Nag-deploy ng karagdagang puwersa ang Philippine National Police sa paligid ng Mayon Volcano habang pinag-aaralan ang pagpapalawak ng Permanent Danger Zone (PDZ) mula 6 kilometro hanggang 7 kilometro.
Ayon sa PNP, inatasan ang mga pulis na magpatupad ng 24-oras na checkpoint at dagdagan ang presensya sa mga daanang papunta sa bulkan. Pinaigting din ang foot at mobile patrols, at isinasaalang-alang ang aerial monitoring sa mga liblib na lugar.
“Our ground commanders have been given a clear directive to exercise maximum tolerance but maintain zero compromise on the ‘No Entry’ policy,” ani PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Dagdag niya, tutulungan ang mga residenteng mahuhuling papasok sa danger zone—lalo na ang mga magsasaka—na makabalik sa evacuation centers habang ipinapaliwanag ang panganib ng pyroclastic density currents.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa mga barangay at intelligence networks upang masubaybayan ang mga posibleng bumalik sa kanilang tahanan.
Nauna nang nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring lumala ang aktibidad ng Mayon, kaya posibleng palawakin ang PDZ na sasaklaw sa mas maraming komunidad.
Sinabi ni Nartatez na mahalaga ang tulong ng mga lokal na opisyal upang matukoy ang mga evacuee na maaaring palihim na bumalik sa kanilang mga bahay at maisama ang impormasyong ito sa deployment ng pulisya. RNT/MND