Home METRO PNP nagmistulang ‘inutil’ sa pagsisilbi ng warrant vs Quiboloy pagkatapos madakip si...

PNP nagmistulang ‘inutil’ sa pagsisilbi ng warrant vs Quiboloy pagkatapos madakip si Guo – Bato

MANILA, Philippines- Nagmistulang “inutil” ang Philippine National Police (PNP) sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa kaisipan ng taumbayan matapos madakip ng Indonesian authorities ang puganteng si Alice Guo sa Jakarta.

Ganito ang naging pananaw ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos magsagawa ng pagdinig ng Senate subcommittee on justice and human rights sa operasyon ng PNP sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.

“Isipin niyo, halos dalawang linggo na silang nagbarricade. Nakapag-detect na sila ng heartbeat sa ilalim ng lupa. Nag-implementa pa ng ‘whole of government approach’ noong naghukay sila sa basement ng school campus. Ngunit, hindi pa rin naging successful ang implementasyon ng warrant of arrest. Hindi pa rin makita ang dapat makita,” ayon kay Dela Rosa, dating PNP chief.

“Sa paningin tuloy ng mga tao, mukhang may kakulangan sa ating mga pulis. Lalo pa na laman ng balita ngayon kung paano nahuli kaagad ng Indonesian National Police ang mga taong pinaghahanap ng ating gobyerno,” dagdag niya.

Hindi partikular na binanggit ni Dela Rosa si Guo pero naalala nito ang dating alkalde na nadakip sa Indonesia nitong Miyerkules o mahigit dalawang linggo matapos itong tumakas palabas ng Pilipinas.

Iniimbestigahan ng Senado sa pamumuno ni Senador Risa Hontiveros ang ilang personalidad sa pamahalaan na maaaring sangkot o kasabwat ni Guo sa pagtakas kabilang si Sual Mayor Dong Calugay ng Pangasinan.

“I wonder if high confidence can compensate for low returns and low morale, especially if the latter two come allegedly at the expense of our most fundamental human rights,” ayon kay Dela Rosa.

Nagsagawa ng ocular inspection ang komite ni Dela Rosa sa KOJC compound nitong Biyernes na sinundan ng public hearing sa Sangguniang Panlungsod sa Davao City.

Isinagawa ang pagdinig matapos ang privilege speech ni Dela Rosa hinggil sa panawagan sa pagpapaalis ng mahigit 2,000 pulis na nakatalaga sa KOJC compound upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.

Patuloy na sinusuyod ng pulisya ang compound sa paghahanap kay Quiboloy at ilang kasabwat nito na umabot na sa ika-14 araw ang pagsisilbi nitong Setyembre 6.

Naniniwala ang pulisya na nananatiling nagtatago si Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City.

Pinabulaanan ni KOJC legal counsel Israelito Torreon na nasa loob ng compound si Quiboloy na ibinasura ng awtoridad.

Nagpalabas ng warrant of arrest laban kay Quiboloy hinggil sa paglabag Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act kabilang ang qualified human trafficking.

Bukod dito, nahaharap din si Quiboloy sa kasong sex trafficking by force, panloloko at coercioin at sex trafficking ng menor de edad, conspiracy at bulk cash smuggling sa US District Court. Ernie Reyes