MANILA, Philippines- Tinukoy Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang paggunita ng mga Pilipino ngayong taon sa All Saints’ Day o Undas, kung saan dinalaw ang mga namayapang mahal sa buhay sa mga sementeryo sa iba’t ibang lalawigan.
“Yes po, generally peaceful nationwide,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang panayam nitong Linggo at idinagdag na, “Masaya po tayong mai-report na naging mapayapa at maayos sa pangkalahatan nationwide ang naging paggunita po ng Undas ngayong taon dahil wala naman po tayong naitala na major incident na maaaring maka-disrupt po sa paggunita ng Undas po.”
Binanggit ni Fajardo ang sunog sa Bagbag Cemetery sa Novaliches, Quezon City at mayroong ilang “minor incidents, but all those, overall, di naman nakaapekto sa sitwasyon sa ating bansa.”
Sa kabila naman ng pagiging abala at ilang pagkaantala dahil sa kamakailang bagyo sa ilang lugar, nagtungo pa rin ang mga Pilipino sa mga sementeryo kung saan milyon-milyon ang pumunta sa Manila North Cemetery noong Biyernes lamang.
“Mananatili po ang heightened alert ng PNP hanggang hatinggabi bukas,” ayon kay Fajardo.
“Medyo ni-refocus po natin ang ating deployment ngayon, bagamat may ilan-ilan pa rin pong nagpupunta sa mga sementeryo at piniling di makipagsabayan. Kaya minaintain pa rin po natin yung ating mga police assistance desks sa mga major na sementeryo.”
Aniya pa, “Nagdagdag po tayo ng mga tauhan sa mga major thoroughfares, sa mga terminal, sa pantalan, at mga airport, siyempre doon sa ibang mga pasyalan, sa mga mall, at Linggo po ngayon, siyempre yung ating ang mga places of worship pinuntahan din po natin.” RNT/SA